Lineup sa 3rd Leg Triple Crown, 'di pa opisyal
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | July 6, 2022
Wala pang opisyal na lineup para sa 3rd Leg Triple Crown pero tiyak ang pagsali ni Basheirrou basta huwag lang magkakaroon ng aberya.
Sapagkat pakay ni Basheirrou na walisin ang triple crown series matapos nitong angkinin ang korona sa first at second legs.
Ilalarga ang 3rd Leg Triple Crown Stakes race sa July 24 na gaganapin sa pista ng Santa Ana sa Naic, Cavite. Markado ng mga karerista si Basheirrou, inaabangan nila kung siya ang magiging pang-13 kabayo na makaka-sweep ng triple crown.
Si Fair And Square ang unang kabayong nakawalis ng triple crown, nagawa niya ito noong 1981 habang si Heneral Kalentong ang huli nasikwat niya ito noong 2020.
Posibleng si class A rider Kelvin Abobo ulit ang rerenda kay Basheirrou, sakaling makuha ang inaasam na panalo ay mauukit ang pangalan ng kabayo sa history ng karera.
Bumilib ang mga tagahanga ni Basheirrou sa ipinakitang takbo nito sa second leg matapos magtala ng tiyempong 1:51 minuto sa 1,800 meter race, hinamig nito ang premyong P2.1M.
Ang nasabing event ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Samantala, pitong races ang pakakawalan ng Manila Jockey Club Inc. (MJCI) ngayong araw ng Miyerkules. Tiyak na masisiyahan ang mga karerista sa kanilang paglilibang dahil balanse ang mga lineup sa programa ng karera.





Comments