Limitasyon sa pagpapatupad ng search warrant
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Enero 29, 2023
Ayon sa Supreme Court Administrative Matter No. 21-06-08-SC na may petsang 29 Hunyo 2021, kinakailangang magsuot ng body-worn camera at isa pang alternatibong kagamitan sa pagre-record ang mga pulis na magpapatupad ng search warrant upang maitala ang lahat ng mangyayari simula nang dumating ang mga pulis at hanggang matapos sila sa paghahanap ng mga bagay na nakasulat sa search warrant. Bago rin umpisahan ang pagpapatupad sa nasabing search warrant, kinakailangang masabihan ang mga legal na nakatira sa lugar na magsasagawa ng paghahanap ang mga pulis alinsunod sa warrant na ipinalabas ng korte at ito ay magiging recorded. Ang search warrant din ay dapat na ipinapatupad sa araw o daytime, maliban kung mapatutunayan na ang bagay o ari-arian ay nasa tao o lugar na iniutos na halughugin ay maaaring ihain sa anumang oras ng araw o gabi. (Section 9, Rule 126, Revised Rules on Criminal Procedure)
Ang pagpapatupad din ng search warrant ay maaari lamang gawin sa partikular na lugar na nakasulat dito at may bisa lamang sa loob ng sampung (10) araw. Wala na itong bisa pagkatapos ng nasabing panahon at hindi na ito maaari pang ipatupad. Ito ay alinsunod sa probisyon ng Rule 126, Section 10 ng ating Revised Rules on Criminal Procedure kung saan nakasaad ang mga sumusunod:
“Section 10. Validity of search warrant. — A search warrant shall be valid for ten (10) days from its date. Thereafter it shall be void.”
Ang paghahalughog sa isang bahay, silid o anumang lugar na nakasaad sa search warrant ay dapat gawin sa presensya ng mga legal na nakatira ru’n o sinumang miyembro ng kanyang pamilya. Kung wala ang mga ito, kinakailangang may dalawang testigo na may sapat na edad at pagpapasya, at naninirahan din sa parehong lokalidad.
Ito ay ayon sa Rule 126, Section 8 ng parehong Rule kung saan binanggit na:
“Section 8. Search of house, room, or premise to be made in presence of two witnesses. - No search of a house, room, or any other premise shall be made except in the presence of the lawful occupant thereof or any member of his family or in the absence of the latter, two witnesses of sufficient age and discretion residing in the same locality.”





Comments