top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Likas na mapagmahal ang Ina, tulad ni Maria

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 3, 2021
  • 3 min read

Updated: Jan 9, 2021

ni Fr. Robert Reyes - @Patakbo-takbo | January 3, 2021



Palaging pinararangalan ang Mahal na Birheng Maria bilang Ina ng Diyos sa unang araw ng Bagong Taon.


Samakatwid, napakalalim ng kaugnayan ni Maria, bilang Ina kay Hesus na kanyang anak. Mayaman ang mensahe ng mga pagbasa sa misa ng unang araw ng 2021, sa Pista ni Maria, Ina ng Diyos.


Sa unang pagbasa, mula sa bilang 6:22-27, ang basbas ng mga saserdote na sinabi ni Yahweh kay Moises na sinabi naman nito kay Aaron na ibigay bilang bendisyon sa lahat ng mga Israelita, “Pagpalain ka at ingatan ni Yahweh, nawa’y kahabagan ka niya at subaybayan; lingapin ka nawa niya at bigyan ng kapayapaan.”


Sa pangalawang pagbasa, mula sa liham ni San Pablo sa mga taga-Galacia, sinulat ni San Pablo, “Upang ipakilalang kayo’y mga anak ng Diyos, pinagkalooban niya tayo ng Espiritu ng kanyang Anak nang tayo’y makatawag sa kanya ng “Abba, Ama ko.” (Galacia 4:6)

Sa Ebanghelyo naman narinig natin ang isinulat ni Lucas tungkol kay Maria na, “Natanim sa isip ni Maria ang mga bagay na ito at kanyang pinagbulay-bulay.”


Basbas; ang pagkilala at pagtawag sa Diyos bilang Abba (tatay, itay), ama; at ang tahimik ngunit malalim na pagtanim ni Maria ng kanyang mga nakita at naranasan sa kanyang Puso.


Sa pagtatapos ng 2020 magandang balikan natin ang kakaibang taon at bigyan ito ng mas malalim na balik-tanaw ayon sa diwa ng Pista ni Maria, Ina ng Diyos.


Napakaraming masasakit, mabibigat na karanasan na mahirap nating malimutan ang nangyari ngayong taon. Sa halip na talikuran at piliting kalimutan ang mga ito, magandang balikan at tipunin natin ang mga ito samantalang marahang dinarasal ang basbas ng mga saskaerdote ng mga Israelita:


“Pagpalain at ingatan ka ni Yahwel, Nawa’y kahabagan ka niya at subaybayan; Lingapin ka nawa niya at biyan ng kapayapaan.”


At ganundin ang gawin para sa lahat ng masaya at magandang karanasan na nagbibigay-sigla at pag-asa sa gitna ng dilim at kapighatiang dulot ng mabibigat na hamon ng 2020.


Mas malinaw unawain ang kahalagahan ng basbas kung ating iisipin ang lahat ng mga may sakit at ang kanilang mga tagapangalaga. Kailangan ng may-sakit na mahina at mapanganib ang kalagayan ang basbas. Subalit, ganundin ang mga tagapangalaga na malakas pa’t walang sakit. Lakas ng loob at pag-asa ang basbas na kailangan ng may-sakit. Tiyaga, pag-iingat at pangangalaga sa kalusugan ng katawan at isip ang kailangan naman ng mga tagapangalaga.


Kapag babalikan natin ang iba’t ibang mahirap, mapaghamong karanasan ng 2020, ilang ulit nating ibinulong at hindi lang minsan isinigaw ang Pangalan ng Diyos, ng ating Ama upang idaing ang hirap na ating pinagdaraanan at humingi ng tulong.


Hindi na nating mabilang kung ilan na ang mga nadalaw at nakausap na may pinagdaraanang mabigat mula sa malubhang sakit; problemang pinansiyal; problema ng relasyon sa asawa o anak; problema sa trabaho o kabuhayan; problema ng kahulugan ng buhay na nasa bingid na ng pagkawala ng pag-asa, at marami pang iba.


Sa lahat ng ito, naikuwento sa atin ng mga nakausap kung paano sila nanambitan, nagreklamo, bumulong o sumigaw at tinawag ang pangalan ng Diyos. Isang biyaya na rin ito ng panahon ng pandemya, na bumalik ang buhay at malalim na pakikipag-ugnayan sa Diyos.


At sa hulihan, ang kakaiba’t malalim na katahimikan ng Birheng Maria. Tuwing siya ay may pinagdaraanang mabigat at masakit, hindi siya nagwawala o umaatungal. Siya ay marunong pumasok sa kanyang puso at sa katahimikan hanapin ang lakas at kabuluhan ng nangyayari. Naging biro natin sa omeliya noong nakaraang Biyernes ay kung sakaling ngayon nabuhay si Maria sa panahong ito, sa tingin ba natin i-pe-facebook o ima-My Day niya ang kanyang karanasan? Malaking duda at mas tiyak na hindi dahil nasanay na itong pumasok sa katahimikan ng kanyang puso.


Sa unang linggo ng 2021, nawa’y mapasaatin ang kakayahang humingi at magbigay-basbas; nawa’y huwag tayong mag-atubiling tawagin ang Diyos bilang abba. tatay, itay o ama; at muling matutunan tulad ni Maria, tulad ng maraming ina na pumasok sa katahimikan ng ating mga puso. Amen.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page