Ligtas na cyberspace para sa lahat, tiyakin
- BULGAR
- Oct 17, 2022
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | October 17, 2022
Hindi maitatanggi ang mataas na bilang ng online crimes sa bansa.
Mula sa cyberbullying, harassment, identity theft, phishing at iba pang uri ng scam at krimen, kapansin-pansing marami nang nabiktima.
At bagama’t maraming naiuulat, maliit pa lamang ang bilang ng mga insidenteng natugununan.
Gayunman, umaasa ang Philippine National Police (PNP) na madaling mareresolba ang mga online crime sa tulong ng karagdagang 150 policewoman na itinalaga kasabay ng panunumpa ng mga ito sa Camp Crame, kamakailan.
Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Rhodel Sermonia, dahil sa tekonolohiya, mataas ang bilang ng online crimes.
Samantala, binigyang-diin ni Police Col. Rogelio Simon, Deputy Director ng Police Community Affairs and Development Group (PCADG), may mga background sa education at communication ang mga nasabing policewoman.
Magiging papel umano ng mga ito ang tumutok sa social media at magpakalat ng impormasyon sa mga kampanya ng PNP at mag-monitor ng mga krimen sa cyberspace.
Batid nating malawak ang internet at maraming nagagawa ang teknolohiya, kaya sana ay magamit ito nang tama upang matuldukan ang sandamakmak na krimen online.
Sa totoo lang, nakakabahala ang dami ng reklamo at bilang ng mga nabibiktima ng iba’t ibang internet crime sa bansa.
Marahil, marami pang hakbang na dapat gawin upang masugpo ang mga online crime at mapanagot ang mga nasa likod nito, gayunman, umaasa tayo na hindi rito magtatapos ang pagtugon ng PNP sa mga problema sa cyberspace. Kumabga, sana’y may mga kasunod pang hakbang ang mga kinauukulan.
Sa ngayon, tiwala tayo sa mga bagong assign na pulis na makakatulong sila sa pagsugpo sa mga krimen na nagaganap online, gayundin, upang hindi matengga ang mga reklamo.
Hindi man masolusyunan lahat, ang mahalaga ay may karagdagang puwersa na magpoprotekta at magbibigay ng ligtas na cyberspace para sa lahat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments