Lifter Diaz, naka-3 golds at may 2 world records
- BULGAR

- 6 hours ago
- 1 min read
ni Christina Cla-or (OJT) @Sports | July 7, 2026

Photo: Nakagawa ng 2 world records ang batang Pinay weightlifter na si Alexsandra Ann Diaz para sa 3 gold medals sa 2026 IWF World Youth Weightlifting Championships sa Cali, Colombia. Pamangkin siya ni Olympic Champion Hidilyn Diaz na naka-ginto sa snatch (77kg), clean and jerk (98kg) at total lift (175kg). (fbpix)
Binuhat ni Alexsandra Ann Diaz ang bandera ng Pilipinas matapos magwagi ng tatlong gintong medalya at magtala pa ng dalawang bagong youth world records sa women’s 48kg event ng 2026 IWF World Youth Weightlifting Championships sa Cali, Colombia.
Nanguna sa women's 48kg division si Alexsandra Ann Diaz— ang 15-anyos na pamangkin ng Olympic gold medalist na si Hidilyn Diaz-Naranjo matapos magpakitang-gilas sa lahat ng tatlong events. Sinimulan niya ang kampanya sa pagkuha ng gold medals sa snatch nang mabuhat ang 77 kilo. Mas lalo pa niyang pinahanga ang mga manonood nang maitaas ang 98 kilo sa clean and jerk, na nagbigay sa kanya ng ikalawang ginto at bagong youth world record, isang kilo na mas mataas kaysa sa dating marka.
Hindi rin nagpahuli ang iba pang miyembro ng Philippine weighlifting team kung saan si Althea Bacaro ay nagtapos na ika-4 sa snatch matapos buhatin ang 60 kilo, ngunit nakabawi siya sa clean and jerk sa binuhat na 80 kilo upang makuha ang silver medal.
Samantala, nakakuha rin ng medalya si Jay-R Colonia sa boy’s 56-kg category. Silver medalist siya sa snatch sa 109 kilo, gold medal sa clean and jerk sa 140 kilo, at silver medal sa total na 253 kilo.





Comments