top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Lifeguards mandatory dapat sa mga pampublikong paliguan

BULGAR
Jan 6, 2023
3 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | January 6, 2023


Hindi gaanong napagtutuunan ng pansin, ngunit alam ba ninyong ang pagkalunod ang ikatlong sanhi nang hindi sinasadyang pagkamatay ng indibidwal sa buong mundo o 7% ng lahat ng injury-related deaths?


Tinatayang nasa 236,000 taun-taon ang naitatalang nalulunod sa buong mundo na kinabibilangan ng mga bata, lalaki at indibidwal na marunong o bihasang lumangoy dahil sa iba’t ibang kadahilanan.


Ang pagkalunod ay proseso nang paglubog sa tubig, kung saan nakararanas ang tao na hindi makahinga hanggang sa tuluyang mapugto ang hininga at maging sanhi nang wala sa oras na pagkamatay.


Ayon mismo sa Department of Health (DOH), nasa walong Pilipino ang namamatay dahil sa pagkalunod araw-araw at karaniwang biktima nito ay batang edad 14 pababa at ito na ang itinuturing na ikalawa sa sanhi ng pagkamatay ng mga batang Pilipino na ganito ang edad.


Mahigit umano sa sampung kaso ng pagkalunod ang naiuulat araw-araw at walo lamang sa mga ito ang binabawian ng buhay na lubhang napakataas ng bilang kung tutuusin na dapat bigyang-pansin para maiwasan ang ganitong pangyayari.


Ang tinatalakay nating ito ay bahagi ng ulat ng Family Health Office, National Center for Disease Prevention and Control at DOH na nagsagawa ng oral presentation sa World Conference on Drowning Prevention (WCDP).


Sa inilabas na ulat ng United Nations Children's Fund (UNICEF) sa isinagawa nilang survey, ang pagkalunod ay naitalang nasa ikaapat na puwesto sa talaan ng mga nangungunang sanhi ng kamatayan ng mga Pilipino na kapansin-pansing hindi nagkakalayo sa ulat ng ibang organisasyon.


Ang limang nangungunang sanhi ng maagang kamatayan ay ang road traffic accidents (20%), gun shots (17%), stabbings (14%), drowning (12%) at electrocution (4%).


Nakaaalarma ang patuloy na pagtaas ng kaso ng pagkalunod sa bansa at hindi natin ito tuluyang maiiwasan, ngunit may magagawa tayo para maibsan ang bilang ng nasasawi, lalo na sa mga lugar na kaya nating lagyan ng panuntunan para mailigtas ang mga mahal natin sa buhay.


Tulad nitong paglalagay ng qualified lifeguards sa mga pampublikong swimming pool at iba pang bathing facilities sa buong bansa upang matiyak ang kaligtasan ng mga manlalangoy hindi lang sa pagkalunod kung hindi maging sa posibleng kontaminasyon sa kung anu-anong sakit.


Kaya nagsumite tayo ng Senate Bill No. 1581 na nag-aatas na matalaga o mag-empleyo ng qualified lifeguards sa lahat ng pampublikong swimming pools at bathing facilities sa buong bansa at may mandato rin ang DOH na pangunahan ang naturang programa.


Ang naturang panukala ay suportado rin ang Chapter 7 ng Presidential Decree No. 856, o ang Code of Sanitation of the Philippines na ipinahayag noong Disyembre 23, 1975, na nag-aatas din sa DOH na protektahan ang kalusugan at kaligtasan ng bawat manlalangoy na gagamit ng pampublikong swimming pool at bathing facilities.


Dapat ding maging maliwanag ang lawak ng sakop ng katagang lifeguard at hindi manatili lamang sa pagsagip ng nalulunod na karaniwang nakaugaliang pagkakilala sa ordinaryong lifeguard na walang opisyal na pagkakakilanlan.


Kailangang ang lifeguard mismo ang magtatama sa sanitary practices ng manlalangoy upang maiwasan ang pagsalin o pagkakahawa-hawa ng mga communicable disease, kabilang na ang kalinisan ng mga accessories na ginagamit ng mga manlalangoy.


Nakapaloob din sa ating panukala na obligadong ang mga business establishments na magtalaga ng trained personnel at kakailanganing equipment na gagamitin sa pagliligtas ng buhay at iba pang rescue work bukod pa sa paglalagay ng mga babala upang makapag-ingat ang publiko sa iba’t ibang klase ng nakaambang sakuna.


Ang mga competent lifeguard na sadyang sinanay para magligtas ng buhay tulad ng pagbibigay ng tamang artificial resuscitation ay dapat palaging nakatalaga sa panahong bukas o maaari ang paliligo sa lahat ng pampublikong paliguan, kabilang na ang dagat.


Lisensyadong lifeguard ang kailangang italaga at hindi ‘yung kung sinu-sino lang na natutong lumangoy, dapat mayroon itong nationally recognized certificate na magbabantay sa bawat 100 katao na naliligo at isa pang panibagong lifeguard sa tower sa bawat 90 metro at isa pang lifeguard na lulan ng bangka na umiikot sa bawat 600 metro ng lugar na paliguan.


Iba kung propesyonal na lifeguard ang nakabantay sa mga manlalangoy dahil mas kampante ang mga ito na hindi sila mapapahamak sa oras na may sakunang maganap.


Higit sa lahat ay maiiwasan na nating tumaas pa ang ulat ng bilang ng mga kababayan nating nasasawi sa pagkalunod dahil lang sa wala tayong ginagawa o kaya ay hindi natin tinugunan ang napakatagal ng problemang ito na puwedeng namang iresolba.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page