Libu-libong tao, dumagsa sa mga sementeryo sa Maynila

ni Eli San Miguel - Trainee @News | November 1, 2023

Higit sa 750,000 ang bilang ng bumisita sa mga sementeryo sa Maynila hanggang sa tanghali ng Miyerkules, ika-1 ng Nobyembre, upang alalahanin ang kanilang yumaong mga mahal sa buhay sa All Saints’ Day.
Ayon sa Manila Police District (MPD), pinayagan lamang ang mga bisita na pumasok sa mga sementeryo alas-5 ng umaga kahit na may pila na sila sa labas ng mga gate alas-4 ng madaling-araw.
Sa Manila North Cemetery (MNC), nakumpiska ang 416 mga lighter at 307 pakete ng sigarilyo mula sa 690,000 katao na bumisita sa sementeryo.
Ayon sa mga awtoridad, natambakan sila ng malaking bilang ng tao nang buksan ang mga gate.
Mahigit 250 mga pulis mula sa MPD ang na-deploy sa MNC, habang 130 na tauhan ang itinalaga upang tumulong sa mga problemang pangkalusugan at mag-ayos ng daloy ng trapiko.
Kumulang sa 52,000 katao ang nagtungo sa Manila South Cemetery (MSC), kung saan nakumpiska ang isang patalim, 237 mga lighter, at 55 pakete ng sigarilyo.
Sinabi ng pulisya na mayroong 300 mga pulis na naka-deploy sa lugar.
Sa La Loma Cemetery, mayroong 95 mga pulis at 102 mga force multiplier na itinalaga.
Nakumpiska ng pulisya ang 22 pakete ng sigarilyo mula sa 4,500 mga bisita ng sementeryo.
Samantala, walang mga ipinagbabawal na kagamitan ang nakumpiska mula sa halos 3,500 indibidwal na bumisita sa Chinese Cemetery.
Kabuuang 37 mga pulis sa Maynila at 28 mga force multiplier ang itinalaga sa Chinese Cemetery upang siguruhing maipatupad ang mga hakbang sa seguridad.
Inaasahan na libu-libong tao pa ang dadalaw sa mga sementeryo sa lungsod sa All Soul’s Day, ika-2 ng Nobyembre.





Comments