Libu-libong miyembro ng AFP, PNP, PCG, magbabantay SA BSKE
ni Ryan Sison @Boses | October 25, 2023
Dahil nalalapit na ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), kaya ngayon pa lang ay sinimulan na ang pagtatalaga ng mga uniformed personnel sa buong bansa.
Nitong Lunes, October 23, pinangunahan ng Commission on Elections (Comelec) ang ceremonial send-off ng aabot sa 300,000 tropa at mga tauhan ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) para magbantay sa BSKE.
Humigit-kumulang sa 180,000 PNP at halos 100,000 AFP ang inaasahang magbibigay ng seguridad nationwide sa araw ng eleksyon, October 30.
May mga tauhan ding ipadadala ang PCG na mamamahala naman sa seguridad sa mga karagatan gayundin, ang pagbibiyahe ng mga elections materials sa mga island barangay.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, ang deployment ay hindi ibabase sa color category ng isang lugar. Habang aniya, hinati ang mga barangay sa kategoryang ‘berde, dilaw, kahel o orange at pula’ depende sa sitwasyon o antas ng problema sa lugar. Ang berde ay pangkalahatang mapayapa habang ang pula ay kinubkob ng mga problema gaya ng pagkakaroon ng mga private armed groups o terorista, kabilang na rin ang matinding political rivalry sa lugar.
Matatandaang noong October 4, umabot sa 242 lugar sa bansa ang nailagay sa red category habang tumaas pa ito sa 361 nitong October 20.
Sinabi pa ni Garcia, na ang Libon sa Albay ay nadagdag na sa ilalim ng Comelec control, bukod sa Negros Oriental, dahil ito sa pagpaslang sa isang kandidato sa pagka-barangay chairman at isang kagawad.
Mainam ang paghahanda ng kinauukulan sa paparating na eleksyon at nagpakalat na sila ng mga tropa ng kapulisan, sundalo at iba pa.
Mas mabuti na rin na kumilos sila agad at visible na sa iba’t ibang lugar sa bansa para sa seguridad at kapakanan ng mga mamamayan.
Paalala lang natin sa kanila na sakaling may mangyayari na anumang kaguluhan o kaya ay kilos-protesta, ipairal pa rin ang maximum tolerance sa lahat ng oras sa ating mga kababayan. Gayundin, ang kanilang bitbit na mga armas ay gamitin lamang nila sa tama at kung kinakailangan upang hindi magdulot ng takot sa taumbayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments