Libreng WiFi sa public places, ipatupad na
- BULGAR
- Feb 17, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 17, 2024
Good news sa mga kababayan para sa napipintong libreng WiFi sa mga pampublikong lugar na programa ng ating pamahalaan.
Ito ay dahil aprubado na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng Special Allotment Release Order (SARO) na nagkakahalaga ng P2.5 bilyon para sa Department of Information and Communications Technology (DICT) upang ipatupad ang Free Public Internet Access Program (FPIAP).
Ayon kay DBM Sec. Amenah Pangandaman, ang paglalabas ng pondo ay napakahalaga dahil ang internet ay sentro sa umuusbong na makabagong panahon, ang tinatawag na digital era. Ito ang backbone ng modernong panahon. Ito rin aniya ay nag-uugnay sa atin at ginagawang mas maginhawa ang lahat, nagpapalakas sa edukasyon, sa ekonomiya, health care, public safety, at maging sa mga serbisyo ng pamahalaan.
Kasama sa FPIAP ang konstruksyon ng mga ICT facilities tulad ng mga high-capacity network, middle-and last-mile ICT infrastructures, gayundin ang pagtatayo ng mga towers, data center, assets, at iba pang mga service building.
Batay sa DBM, mahigit P2.4 bilyon ang ilalaan para sa libreng WiFi connectivity sa mga pampublikong lugar. At ang natitirang halaga ay mapupunta naman sa connectivity concerns para sa state universities and colleges (SUC).
Sinabi pa ng DBM na layunin ng FPIAP na magbigay ng zero-cost internet access sa mga public spaces sa buong bansa.
Kabilang sa mga target na pampublikong lugar, ang mga convergence point gaya ng national at government offices, mga public basic education institution, SUCs, at mga Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) institution, gayundin ang mga pampublikong ospital, medical care facilities, mga plaza, at transport terminals.
Napakagandang programa ng pamahalaan na pagkakaroon ng free WiFi sa mga pampublikong lugar na malaking pakinabang para sa lahat.
Tiyak na magiging mabilis na ang mga transaksyon, mas huhusay ang serbisyo ng gobyerno, aangat ang sektor ng edukasyon at gaganda ang ating ekonomiya, at marami pang iba.
Iba kasi talaga ang nagagawa ng digitalization gaya ng mga mayayamang bansa.
Sana lang ay madaliin na nila ang pagpapatupad nito para tuluy-tuloy naman ang ating pag-unlad.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments