top of page
INSIDER - JULIE ANNE, KUMANTA KUNG BAKIT HINIWALAYAN NG FIRST LOVE-IG _myjaps & _aldenrich

Libreng tuition sa kolehiyo, tiyaking napupunta sa karapat-dapat

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 24, 2024
  • 1 min read

by Info @Editorial | Oct. 24, 2024



Editorial

Hindi maitatanggi na marami pa ring estudyante ang nahihirapang makamit ang kanilang pangarap dahil sa kakulangan sa access sa edukasyon.


Kaugnay nito, iginiit ng Department of Education (DepEd) na napapanahon na upang pagtuunan ng pansin ng mga state university administrators at ng pamahalaan ang pagpapatupad ng libreng matrikula sa kolehiyo sa mga mahihirap na matatalinong estudyante para maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.


Maraming matatalinong estudyante ang hindi naipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa kolehiyo dahil sa kakulangan sa pinansyal. Kaya ang pagbibigay ng subsidiya ay dapat na nakalaan lamang sa mga karapat-dapat na estudyante at hindi sa mga mayayaman na kaya namang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa kolehiyo.


Ang edukasyon ay hindi lamang karapatan kundi isang pangunahing pangangailangan na nagbibigay ng pagkakataon para sa mas magandang kinabukasan. 


Batid naman natin na ang mga kabataang hindi makapag-aral dahil sa problema sa pera ay nagiging biktima ng isang sistemang hindi patas. Sa pamamagitan ng libreng edukasyon, nagiging posible ang pagbibigay ng pantay-pantay na oportunidad para sa lahat, anuman ang kalagayan sa buhay.


Bukod pa sa paglalaan ng sapat na pondo para sa mahihirap na estudyante, mahalaga ring mabigyang pansin ang kalidad ng edukasyon na ibinibigay, upang hindi magtagal ang stigma na ang libreng edukasyon ay laging kaakibat ng mababang kalidad ng pagtuturo.


Maunawaan sana natin na ang bawat kabataang makakapagtapos, isang bagong pag-asa ang nabubuo para sa ating lipunan. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page