Libreng travel abroad, may suweldo, sabay pagdadalhin ng droga, ingat!
- BULGAR
- Aug 26, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 26, 2023
Kamakailan, may naarestong isang Pinay matapos na makuhanan ng higit 3 kilo ng hinihinalang cocaine sa Ninoy Aquino International Airport.
Base sa ulat ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADTG), galing ang babae sa Addis Ababa, Ethiopia, kung saan itinuturing na isa sa mga “red flag” country ng mga awtoridad.
Ayon kay Gerald Javier, Deputy Task Group Commander ng NAIA-IADTG, ang origin na ito ay isa sa kanilang binabantayan. Ibig sabihin aniya, dati nang may pangyayari na nakahuli sila ng mga pasahero na may dala-dala ng illegal drugs na galing sa naturang origin o pinagmulan.
Sinabi ni Javier na nakita sa image ng isinagawa nilang x-ray examination na may nakalagay sa loob ng maleta na dala ng naturang babae. Nadiskubre doon na nakasilid sa false lining o sa ilalim na bahagi ng maleta ang mahigit 3 kilo ng hinihinalang cocaine na tinatayang nasa P18 milyon ang halaga.
Depensa ng naturang Pinay na hindi niya batid na may nakasiksik palang droga sa kanyang maleta at iginiit na napag-utusan lamang siya na iuwi ito sa ating bansa.
Paliwanag ng babae, wala siyang idea sa laman ng maleta, kaya pumayag umano siyang ipabukas ito sa mga awtoridad, at saka lang niya nalaman na may ilegal na droga sa loob nito nang ito’y buksan. Nabatid na ilang linggo munang namalagi sa Bangkok, Thailand ang naturang Pinay bago nagtungo sa Ethiopia bilang isang turista.
Kuwento pa ng babae, inalok umano siya ng libreng bakasyon ng isa ring Pinay na nakilala sa social media na sinabing susuwelduhan siya ng P100,000 kapag nadala na rito ang nabanggit na bagahe. Agad namang nagbabala ang mga awtoridad hinggil sa ganitong klase ng modus.
Hindi biro na may nagaganap na pagpupuslit ng ilegal na droga sa ating mga airport mula sa ibang bansa. Magiging talamak ito habang ang mga kaawa-awang biktima ay ating mga Kababayan na walang kamalay-malay na ang dala nilang package pauwi ng bansa ay droga pala.
Marahil, dapat na maging maingat ang mga mamamayan sa mga nagiging ka-transaksyon o kahit na pakiusap na padala. Huwag tayong basta maniniwala sa mga pangako ng malaking pera kapalit ng pagdadala ng mga bagahe at pagta-travel sa iba’t ibang lugar. Pag-isipan nating mabuti dahil baka ito pa ang ikapahamak natin.
Sa kinauukulan, patuloy sana ang ginagawang pagsugpo sa mga katiwalian.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments