Libreng sakay sa mga estudyante, serbisyo ng PCG
ni Lolet Abania | August 22, 2022

Sa mga estudyante ng Quezon City at Manila, may libreng bus rides na isinagawa ngayong Lunes, ang unang araw ng School Year 2022-2023, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Sinabi ni PCG Commandant Coast Guard Admiral Artemio Abu na dalawa hanggang sa tatlong Coast Guard buses ang idineploy mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng umaga at mula alas-4:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi sa Quezon City at Manila.
Ang naging ruta ngayong Lunes ng umaga ay ang mga sumusunod:
•Quezon City Hall
•University Belt sa Manila
•Luneta Park sa Manila
•Quezon City
Sa hapon, magsisimula naman ang ruta ng PCG buses sa University Belt.
“Simpleng tulong natin ito sa mga estudyante sa pagsisimula ng School Year 2022-2023.
Ramdam natin ang hirap na buhay ngayon dahil sa patuloy na pagtaas ng pamasahe.
Kaya sa inisyatibong ito, gusto natin na kahit papaano’y masuportahan ang mga kabataan sa pagbabawas ng gastusin sa unang araw ng klase,” pahayag ni Abu.
Gayunman, sa update ngayong Lunes, ayon sa PCG, naserbisyuhan din ng kanilang free rides ang mga empleyado na papasok sa mga trabaho ngayong araw.
Paalala naman ng PCG sa mga estudyante na sasakay sa kanilang mga bus na magsuot ng face masks at i-sanitize ang kanilang mga kamay ng alcohol para maprotektahan ang mga sarili laban sa COVID-19.
Ang mga learners sa buong bansa ay nag-umpisa nang dumagsa sa mga paaralan umaga pa lang ngayong Lunes para sa kanilang face-to-face classes dahil ang School Year 2022-2023 ay opisyal nang nagsimula sa gitna ng COVID-19 pandemic.





Comments