top of page

‘Libreng Sakay’ sa EDSA Bus Carousel, 24/7 na mula Dis. 15-31

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 11, 2022
  • 1 min read

ni Lolet Abania | November 11, 2022



Magdamag nang magiging free ride ang EDSA Bus Carousel mula Disyembre 15 hanggang 31, ilang araw bago ang pagtatapos ng “Libreng Sakay” program nito.


Sa kasalukuyan, mula alas-11:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling-araw ay may bayad kapag sumakay sa EDSA Bus Carousel.


Nasa P61.50 ang pamasahe sa end-to-end trip mula Caloocan hanggang sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa mga oras na naniningil sa bus. Habang nasa P13 naman ang minimum fare nito.


Inihirit naman ng ilang driver at konduktor na mabayaran muna sana sila sa mga kakulangan, bago ipatupad ang 24/7 na libreng sakay.


Ayon sa isang driver ng EDSA Bus Carousel, pitong linggo pa umano ang kulang na bayad sa kanila, kung saan pabor ito sa mga pasahero, subalit kawawa aniya, silang mga empleyado.


Samantala, sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na inaasikaso na nila ang pagbabayad sa mga bus concessionaire habang nanawagan na rin sa mga ito na bayaran nang tama ang kanilang mga empleyado.


“Ang report sa amin ay two weeks lang ‘yung hindi nababayaran. Kailangang i-process ng LTFRB ‘yung papel nila. ‘Yung two weeks ay reasonable. ‘Yung pagbabayad ay dapat gawin ng operators sa tamang panahon na suweldo ng mga drivers at operators,” pahayag ni DOTr Secretary Jaime Bautista.


Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), umaabot sa P10 milyon hanggang P12 milyon ang ibinabayad para sa “Libreng Sakay” program ng EDSA Bus Carousel kada araw na nasa 350 hanggang 400 ang bumibiyaheng bus.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page