top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Libreng Sakay, out sa 2023 budget

BULGAR
Sep 16, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | September 16, 2022


Hindi kasama sa proposed budget ng Department of Transportation (DOTr) ang service contracting o ‘Libreng Sakay’ program para sa 2023, sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.


Sa House Committee on Appropriations’ deliberation, ipinaliwanag ng Department of Budget and Management (DBM) na hindi regular na proyekto ng pamahalaan ang Libreng Sakay. Gayunman, hihintayin umano ng DBM ang Kongreso kung nais nitong maisama ang programa sa budget.


Samantala, umapela naman ang DOTr sa mga mambabatas upang magkaroon ng congressional amendment sa pondo ng kagawaran para sa naturang programa sa susunod na taon.


Naninindigan ang DOTr na malaking tulong ang programa sa mga drayber at operators, lalo na sa mga komyuter na nakakatipid sa pamasahe, kaya patuloy na humihiling ang kagawaran ng P12 bilyon.


Samantala, nang tanungin ng isang mambabatas ang DOTr kung paano matutulungan ang mga PUV drivers hinggil sa oil price hike, ikinokonsidera na umano ng kagawaran ang net contracting service, kung saan aayudahan ang mga operator upang makapag-operate ang mga ito nang hindi nagtataas ng pamasahe.


Matatandaang napilitan ang pamahalaan na itigil ang Libreng Sakay sa ilang ruta dahil sa kakapusan ng pondo. Unang nakatakdang matapos noong Hulyo ang programa, ngunit pinalawig ito hanggang matapos ang taon.


Hindi natin maitatanggi kung gaano kalaki ang nagawa ng Libreng Sakay para sa mga komyuter, gayundin ang mga tsuper at operator. At sa totoo lang, napakaraming mananakay na nakinabang.


Ngunit kung hindi na talaga mapapalawig pa ang programa, balik sa dating gawi — bawas ang kita dahil kailangan na ulit maglaan ng pamasahe. Isa pang problema ang putul-putol na ruta, na nagiging dahilan kaya doble ang pamasahe ng ilan.


Kung hindi na mapagbibigyan, no choice ang ating mga kababayan. Pero kapalit ng pagbabayad ng pamasahe, sana’y mas maayos na ang mga problema sa transportasyon. Kumbaga, kaunting ginhawa man lang para sa mga biyahero.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page