Libreng professional exams sa indigent graduates, madaliin
ni Ryan Sison @Boses | Marso 6, 2024
Inaprubahan na sa Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na naglalayong magbigay ng libreng professional o licensure examinations sa mga kwalipikadong indigents o mahihirap na nagsipagtapos.
Ang House Bill 9859 o ang panukalang Free Professional Examinations Act ay ipinasa ng House of Representatives nitong Lunes, March 4, na may 274 affirmative votes, walang negative votes at walang abstentions. Ito ay upang mabigyan ang mga graduate, na mula sa mga mahihirap na pamilya ng mas mahusay na access sa mga job opportunities.
Sa ilalim ng panukala, ang mga kwalipikadong indigent ay tumutukoy sa mga indibidwal na walang nakikitang paraan o means ng income o suporta, o kaya naman ang kita o income ay posibleng hindi sapat para sa ikabubuhay o mga pangunahing pangangailangan ng pamilya, at ito ay maaaring i-determina ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
At upang ma-exempt sa pagbabayad ng exams fees, dapat kumuha ang examinee ng Certificate of Indigency mula sa DSWD, na kanyang ipapakita sa Professional Regulation Commission (PRC) o sa Civil Service Commission (CSC).
Kapag naisabatas, ang mga benepisyo ng panukala ay maaari lamang mapakinabangan ng mga kwalipikadong indigent isang beses sa isang taon.
Malaking tulong sa ating mga mahihirap na graduates kung mabibigyan sila ng pagkakataon na makakuha ng professional o licensure exams na wala silang kailangang bayaran at intindihin.
Magagawa nilang makapagpokus nang husto sa pagre-review sa kukuhaning exams habang wala silang aalalahaning gastos ng kanilang mga magulang.
Dahil din dito, magagawa nilang makapasok sa magagandang kumpanya at mabibigyan ng mahusay na posisyon sa trabaho, habang maitatawid na nila ang kanilang pamilya sa hirap patungo sa maayos na pamumuhay.
Hiling natin na sana ay agad na maisabatas ang naturang panukala para sa mga indigent graduate at kanilang pamilya dahil hindi lang malaking pakinabang ito sa kanila, kundi pati na rin sa paglago ng ekonomiya ng ating bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments