top of page

Libreng medical services ng LGUs, hindi sana patikim lang

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 25
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | August 25, 2025



Boses by Ryan Sison


Pinakamahalagang batayan ng maayos na pamahalaan ay kung gaano pinahahalagahan ng mga nakaupo ang kalusugan ng kanilang mamamayan. 

Kaya’t nakabubuti ang pagpapaigting ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga inisyatibong hatid ng local government units (LGUs) na nagbibigay ng free medical services. Ang mga ganitong uri ng programa ay hindi lamang pagtugon sa sakit kundi patunay na ang kalusugan ay isang karapatan, at hindi pribilehiyo. 


Ayon sa DILG, ang naturang hakbang ay sumasalamin sa Bagong Pilipinas agenda ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., isang pangakong walang Pilipino ang maiiwan sa pag-access ng essential healthcare. 


Malinaw na ang pagbubukas ng pinto para sa kalusugan sa lahat ay nakapagpapalakas ng mga komunidad at nagpapataas ng dignidad ng bawat isa. 


Gayunman, mahalaga ang kongkreto at tuluy-tuloy na pagpapatupad ng ganitong mga programa ng gobyerno. At kung walang suporta, mananatili lamang itong patikim at hindi magiging tulay tungo sa pangmatagalang pagbabago. 


Kailangan ding tiyakin na hindi lang pansamantala ang libreng serbisyo kundi mas

mapalawak pa ito hanggang sa pinakamalalayong sulok sa bansa. 


Ang kalusugan ay pundasyon ng produktibong bayan, kung malusog ang mamamayan, mas matatag ang ekonomiya at mas ligtas ang kinabukasan. 


Tandaan din natin na ang tunay na may malasakit na gobyerno ay hindi sa dami ng proyekto o laki ng pondo, kundi kung gaano nito binibigyang halaga ang kapakanan ng mga nasasakupan. Gayundin, ang pagkakaroon ng isang malinaw na libreng serbisyong medikal ay isang hakbang na hindi lang nakapagpapagaan ng buhay, bagkus nakapagpapalakas ng tiwala ng taumbayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page