top of page
Search
  • BULGAR

Libreng anti-rabies vaccines sa mga ospital

ni Ryan Sison @Boses | April 27, 2024



Boses - Ryan Sison


Sa kabila ng napakatinding init, nagagawang tiisin ng mga indibidwal ang mahabang pila dahil sa mga libreng bakuna laban sa rabies sa isang ospital sa Maynila.


Batay sa ulat, bukod sa San Lazaro Hospital sa Manila, maaaring pumunta ang publiko sa dalawa pang ospital sa Metro Manila, ito ay sa RITM sa Muntinlupa at Amang Rodriguez Hospital sa Marikina na nagbibigay ng mga free anti-rabies shot. 


Kasunod ito ng pagkamatay ng isang 13-anyos na dalagita, dalawang buwan matapos makagat ng aso, kung saan ang mga pasyente ay nagtutungo ngayon sa San Lazaro Hospital upang i-avail ang kanilang serbisyo.


Ayon kay Dr. David Suplico, officer-in-charge ng San Lazaro Medical Services, kung minsan ay umaabot sila ng mga 1,800 hanggang 2,000 pasyente at ang distribusyon ng mga naturang kaso ay 51% mula sa Metro Manila, 18% sa Caloocan, 15% sa Quezon City.


Ipinaliwanag naman ni Suplico na kadalasang tumataas ang bilang ng mga kaso ng kagat ng hayop o animal bite tuwing summer na nagreresulta sa pagdagsa ng mga pasyenteng nangangailangan ng bakuna. 


Dagdag pa niya, kung minsan ay nauubusan na rin ng vaccine ang ospital dahil sa mataas na demand, subalit ang mga stock ay agad din namang pinupunan.


Samantala, ang Animal Bite Center sa San Lazaro Hospital ay ililipat na sa isang mas malaking gusali sa May para ma-accommodate ang mas marami pang pasyente at hospital staff.


Mainam ang ginagawang ito ng mga ospital ng gobyerno na nagbibigay ng libreng anti-rabies vaccines sa mga mamamayan, kaya dapat lang din nating samantalahin ito.   


Subalit ang akala ng iba, madali lamang gamutin ang kagat ng aso, pusa at iba pang hayop na simpleng betadine ay okey na. Pero ang totoo, may mga rabies ang mga ito na kapag tayo ay nakagat at ating babalewalain ay posible nating ikamatay.


Dapat sigurong maging maingat tayo sa mga hayop, na iwasan nating makagat ng mga ito o kaya ay makalmot kahit pa mga alaga natin sila. 


At kung sakali man o hindi sinasadya ay nakagat tayo ay magtungo agad sa pinakamalapit na ospital at magpatingin sa doktor para mabigyan din ng agarang lunas.


Paalala naman sa kababayan natin na maging responsableng may-ari sana tayo sa ating alagang hayop nang sa gayon ay hindi sila makaperhuwisyo ng ibang tao.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page