Libong pamliyang apektado ng habagat at LPA, agad na tulungan
- BULGAR
- Jul 21, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | July 21, 2024

Hindi pa man lubos na humahataw ang inaasahang bagyo, umaabot na sa 117,676 pamilya ang kumpirmadong naapektuhan ng Southwest Monsoon o Habagat at Low Pressure Area (LPA) sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Batay sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), katumbas ito ng 572,997 na indibidwal. Ito ay nagmula sa 429 barangay sa Mimaropa, Region 7, 9, 10, 11, 12, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon sa NDRRMC, 5,395 pamilya o katumbas ng 22,253 indibidwal ang nasa mga evacuation center. Habang mayroong 65,739 pamilya o katumbas ng 327,001 indibidwal na naapektuhan ang piniling hindi na tumuloy sa mga evacuation center subalit pinagkalooban at hinatiran naman ng tulong.
Sa ngayon ay nananatili pa ring pito ang bilang ng mga nai-report na namatay, kung saan apat ang kumpirmadong nasawi sa Region 9 at isa sa Region 10, habang bineberipika pa ang isang naiulat na namatay sa Region 11 at isa sa BARMM.
Dapat na mabigyan agad ng tulong at iba pang pangangailangan ang mga kababayan nating sinalanta ng masamang panahon.
Nakalulungkot na may naitatala pang namatay hindi pa man ganap na bagyo ang tumama sa ating bansa.
Mas kailangang-kailangan nila ng tubig na maiinom, pagkain, gamot at marahil, damit na puwede nilang pamalit habang nasa mga evacuation center.
Wala naman kasi silang ibang maaasahan kundi ang pamahalaan na obligasyon din na sila ay tulungan at suportahan, kaya mabuting alamin na natin ang kanilang kalagayan.
Dapat din sigurong matingnan sila ng mga doktor o healthcare workers dahil maaaring ang iba sa kanila ay nakakaramdam na rin ng sakit sa kanilang katawan.
Paalala lang sa kinauukulan na sana ay huwag makakalimot sa kanilang tungkulin na serbisyuhan at paglingkuran ang mga mamamayan na nangangailangan lalo na sa panahon ng kalamidad. Alalahanin din sana natin na unahing pagmalasakitan ang ating mga kababayan bago ang sariling kapakinabangan.
Lagi lang nating iisipin na mas mabuting tayo ang nagsisilbi para sa ating kapwa kesa tayo ang pinagsisilbihan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments