LGUs, palpak sa pagpapatupad ng health protocols
- BULGAR

- Mar 11, 2021
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | March 11, 2021
HINDI DAPAT GAWING ‘JOKE’ NI P-DUTERTE ANG SERYOSONG PROBLEMA NG ‘PINAS SA COVID-19—Marami ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas, at imbes na seryosong gawan ng paraang ng Duterte gov’t. kung paano makokontrol ang patuloy na pananalasa ng virus sa bansa, sa public address ay muling inulit ni P-Duterte ang sinabi nitong gasolina ang mabisang pang-disinfect sa virus.
Dahil sa sinabing ‘yan ni P-Duterte, dapat pa bang ipagtaka kung bakit sa datos ng ASIAN Studies Centre, sa mga bansa sa Southeast Asia (SEA), ‘Pinas ang kulelat sa pagtugon sa laban kontra COVID-19 kasi naman ang seryosong problema sa virus ay hinahaluan ng joke ng pangulo, boom!
◘◘◘
WALA SI GEN. SINAS SA SAMAR PARA SABIHING NAGBARILAN ANG GRUPO NI MAYOR AQUINO AT MGA PULIS—Matapos sabihin ni Vice-Pres. Leni Robredo na masaker ang pagpatay ng mga pulis at militar, sinabihan ni Presidential spokesman Harry Roque ang bise-presidente na wala naman ito sa pinangyarihan ng insidente para masabing minasaker ang mga aktibista.
Dapat sabihan din ng ganyan ni Roque si PNP Chief Gen. Debold Sinas kasi wala rin ito sa Samar para sabihing hindi ambush, kundi shootout ang nangyari sa pagitan ng grupo ni Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino at mga pulis, na ikinamatay ng mayor at lima pang katao, period!
◘◘◘
KAYA MARAMI NA NAMAN ANG NAGKA-VIRUS KASI ‘NGANGA’ ANG LGUS SA HEALTH PROTOCOLS—Ilang barangay sa Maynila, Caloocan City, Malabon City, Navotas City at Quezon City ang isinailalim sa 15-days lockdown.
Ayon sa DOH, ang paglabag ng mga residente sa social distancing ang dahilan kaya sangkaterba na naman ang nagka-virus sa mga lugar na ‘yan.
Kulang na lang sabihin ng DOH na “nganga” sa pagpapatupad ng health protocols ang mga alkalde kaya ang dami na namang tinamaan ng virus, boom!
◘◘◘
IPAHULI ANG MGA MANRARAKET AT BAKA BUMABA ANG BILANG NG MGA NAGKAKA-VIRUS SA MAYNILA, CALOOCAN, MALABON, NAVOTAS AT QC—Bukod sa mass gathering, posible na kaya dumami ang mga nagka-virus ay ang pagbabahay-bahay ng mga kubrador para magpataya sa raket na bookies at lotteng nina “Boy Abang” at “Lorna” sa Maynila; “Jun Moriones”, “Edmon” at “Iking” sa Caloocan City; “Mario” at “Atan” sa Malabon City; “Judi” at “Leody” sa Navotas at “jueteng” ni “Tepang” sa Quezon City.
Subukan kaya ng mga alkalde na ipahuli ang mga manraraket, at baka sakali’y bumaba ang bilang ng mga nagkaka-virus sa kanilang mga nasasakupan, period!





Comments