LGUs na ubos ang pondo dahil sa pandemya at bagyo, saklolohan!
- BULGAR
- Nov 5, 2020
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | November 05, 2020
Noong kasagsagan ng sunud-sunod na pananalasa ng mga bagyo, todo-saklolo ang mga local government units (LGUs). Kani-kanyang responde at alalay ang mga ito, na ikinatuwa naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Gayunman, ang tanong ng LGUs, paano pa sila aalalay sa mga nasalanta ng bagyo kung wala nang pondo para rito?
Paliwanag ng mga lokal na pamahalaan, nasaid na ang pondo dahil sa serye ng bagyo sa bansa.
Tulad ng bayan ng Virac sa Catanduanes, nagmamakaawa na ang LGU sa nasyonal na pamahalaan dahil 75% ng kabahayan ang nasira ng bagyo, gayundin, labis na naapektuhan ang kabuhayan sa naturang bayan.
Sa Calumpit, Bulacan naman, bagama’t namahagi ng relief goods ang LGU, wala na umano silang mahuhugot sa calamity fund dahil nagamit na ito sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Habang sa Baliuag, Bulacan, sa development fund na kukuha ng pondo na gagamitin para makaresponde sa iba pang kalamidad.
Samantala, habang nasa P3.6 bilyon pa ang pondo ng National Disaster Risk Reduction Management Fund para sa taong ito, mungkahi ng isang mambabatas, gamitin sa relief operations ang bahagi ng P16-B Anti-insurgency fund ng NTF-ELCAC dahil mas kailangan ng mga nasalanta ng bagyo ang pera ng pamahalaan.
Hindi naman nakapagtatakang maubos ang calamity fund ng mga LGU, gayung sa unang bahagi pa lang ng taon ay nagamit na ito bilang pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Ano pa nga ba ang puwedeng gawin ng nasyonal na pamahalaan? Bagama’t mayorya ng LGUs ay umalalay at rumesponde sa kasagsagan ng bagyo, paano naman tutugunan ang pangangailangan ng iba pang nasalanta at magrerekober?
Paalala sa national gov’t, ginawa nila ang kanilang parte bilang lider sa kanilang nasasakupan, ngayong sila naman ang kailangang saklolohan, gawin natin ang makakaya para sila ay matulungan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments