top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

LGUs na nagpabaya sa pamimigay ng ayuda sa Odette victims, tutuluyan!

BULGAR
Mar 24, 2022
1 min read

ni Ryan Sison - @Boses | March 24, 2022


Dahil sa mabagal na pamamahagi ng cash aid para sa mga nasalanta ng Bagyong Odette, nag-isyu ng show cause order si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa 48 local government units (LGUs).


Giit ng kalihim, hiningan ng paliwanag ang naturang LGUs kung bakit hindi pa nakukumpleto ng mga ito ang pamamahagi ng financial assistance.


Base sa datos, nasa 85.52% o P4,151,590,324 ng cash aid funds na P4,854,356,000 ang naipamahagi sa 4,010,092 benepisyaryo.


Matatandaang may kabuuang 10,607,625 indibidwal o 2,991,586 pamilya ang naapektuhan sa naturang bagyo mula sa tinatayang 10,264 mga barangay.


Ayon sa kalihim, 16 sa mga LGUs ay mula sa Eastern Visayas, 16 sa Western Visayas, 13 sa Central Visayas, at tatlo mula sa Mimaropa.


Ilang buwan na ang nakalipas, pero nakatengga pa rin ang ayuda. At sa totoo lang, nakakadismaya dahil kung ito lang ang inaasahan ng mga nasalanta ng bagyo, ano nang mangyayari sa kanila? Isa pang tanong, may ayuda pa bang aasahan o naibulsa na?


Kaya pakiusap sa mga kinauukulan, tiyaking magpapaliwanag ang mga naturang LGUs at ‘pag napatunayang may kapabayaan, dapat lang silang sampolan. Kailangang managot ang mga dapat managot.


Hindi natin dapat pinaghihintay ang mga biktima, lalo na kung pinangakuan natin sila ng tulong.


At ang mga pabaya at papetiks-petiks na mga nakaupo ay dapat turuan ng leksyon sa lalong madaling panahon.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page