LGUs, maging handa sa pananalasa ni 'Egay
@Editorial | July 24, 2023
Bagama't nakatuon sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos ang karamihan, lalo na ang mga nasa gobyerno, umaasa tayo na hindi makalimutan ang bantang pananalasa ni Bagyong Egay.
Kaya payo sa mga governor, mayor at iba pang nasa local government units (LGUs), tutukan at bantayan ang development ng bagyo at sana'y kasado na ang disaster preparedness protocols. Kailangang maging handa bago, habang, at pagkatapos ng bagyo, at ipatupad ang tinatawag na “Operation L!STO” disaster protocols ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Napakahalaga na gising at aktibo ang mga opisyal sa LGUs para nababantayan ang sitwasyon at mas napapangalagaan ang kani-kanilang nasasakupan. Hindi 'yung opisyal na patulug-tulog sa bahay o nasa galaan imbes na nag-i-implement ng mga panuntunan.
Ayon nga sa DILG, responsibilidad ng mga local chief executive na magsagawa ng mga pagpupulong sa loob ng 24 oras upang makuha ang latest severe weather bulletin, ganundin ang pagrepaso sa mga lokal na plano para sa contingency ng kalamidad at hazard risk maps, ang pag-aayos ng mga koponan para sa search-and-rescue, search-and-retrieval, security, at clearing operations.
Mula nang inanunsyo na posibleng maging super bagyo si 'Egay', inaasahang nakapagsagawa na ng risk assessment ang mga LGUs — may plano na sa pagtugon — naihanda na ang mga evacuation center, at na-activate na ang mga incident command system.
Hindi naman na tayo bago sa paghagupit ng mga bagyo, sana ay mas natuto na tayo upang maiwasan ang malalang pinsala.
Para naman sa publiko, laging maging alerto, sumunod sa mga protocols, huwag matigas ang ulo.



Comments