top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

LGUs, hinay-hinay sa suspensyon ng mga klase

BULGAR
Oct 31, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | October 31, 2022


Upang masulit ang learning recovery ng mga estudyante, hinikayat ng Department of Education (DepEd) ang local government units (LGUs) na iwasan ang mga hindi kinakailangang suspensyon ng klase.


Ayon sa ahensya, dagdag-pasanin din kasi sa mga guro kapag mayroong makeup classes dahil sa mga suspensyon.


Dahil dito, binigyang-diin ng DepEd na maaari lamang suspindehin ang klase kapag mayroong public emergencies, tulad ng bagyo o kalamidad.


Matatandaang noong Setyembre, naglabas ng kautusan ang DepEd hinggil sa suspensyon ng mga klase.


Sa ilalim ng Department Order 37 o Guidelines on the Cancellation or Suspension of Classes and Work in Schools in the Event of Natural Disasters, Power Outages/Power Interruptions and other calamities, awtomatikong masususpinde ang in-person at online classes mula kindergarten hanggang Grade 12, gayundin ang mga trabaho sa paaralan sa mga lugar na idineklarang may Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 hanggang 5 o kapag nag-anunsyo ng orange at red rainfall at flood warning ang weather bureau.


Samantala, suspendido rin ang in-person, online classes at trabaho mula kindergarten hanggang Grade 12 at Alternative Learning Systems (ALS) at sa mga lugar na nagtala may Intensity Scale 5 pataas, base sa deklarasyon ng Philippine Institute Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).


Batid nating mahalaga ang bawat araw ng mag-aaral sa eskwelahan.


Sa dami ng naganap na suspensyon ng klase dahil sa mga holiday at kalamidad kamakailan, pahirapan ang paghahabol ng mga aralin at gawain.


Kaya kung uubra naman, dapat lang na iwasan ang mga hindi kinakailangang kanselasyon ng klase.


Umaasa tayong tatalima ang mga lokal na pamahalaan sa hiling ng DepEd dahil tulong na rin ito sa mga estudyante at guro.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page