LGUs, hati ang atensiyon dahil sa pagkalat ng fake vaccination card
ni Ryan Sison - @Boses | January 28, 2022
Hindi pa rin tapos ang isyu hinggil sa pekeng vaccination card.
Ito ay kasunod ng paglimita sa paggalaw ng mga hindi pa bakunado kontra COVID-19, kaya naman imbes na magpabakuna ang ilan nating kababayan, namemeke na lang para makalusot sa mga checkpoint.
Kaya naman, buhay na buhay din ang mga nagbebenta at gumagawa ng pekeng vaccination card, at ang ending, hirap ang ilan na matukoy kung alin ang peke o hindi dahil halos katulad nito ang lehitimong card.
Kamakailan, huli sa entrapment operation ang suspek na nagpuputol ng bagong imprentang vaccination card sa may Libertad sa Pasay.
Bago ang operasyon, isang linggong minanmanan ng mga pulis ang suspek matapos makatanggap ng ulat na may gumagawa ng mga pekeng vaccination card sa lungsod at ibinebenta ng P100 kada piraso.
Noong Lunes ng gabi, dalawang barker ang naaresto sa terminal sa Malibay matapos magbenta ng vaccination card sa hindi bakunadong pasahero sa halagang P500 kada piraso.
Ayon sa mga awtoridad, iniimbestigahan na kung sa suspek din nanggaling ang mga pekeng card.
Samantala, nagdulot ito ng pangamba sa mga pasehero dahil anila, kung may kakalat na pekeng vaccination card, posibleng malagay sa panganib ang kanilang kalusugan.
Bilang solusyon, kinumpirma ng alkalde ng lungsod na kanilang babaguhin ang disenyo ng vaccine card. Dagdag pa ng opisyal, titiyakin nilang may special feature ito nang sa gayun ay hindi basta-bastang mapeke.
Sa totoo lang, nakakaalarma dahil sa kabila ng mga paalala at babala, tila walang nadadala. Sa halip na maubos ang mga gumagawa nito, lalo pang dumarami. Ang masaklap pa, may mga tumatangkilik.
Huwag nating kalimutan na ang paggawa, paggamit o pagbebenta ng pekeng dokumento ay may kaakibat na parusa, kaya kayong mga pasaway d’yan, may kalalagyan din kayo.
Imbes na magpokus ang mga kinauukulan sa mga makabuluhang hakbang kontra pandemya, heto at nireresolba pa ang mga problemang dala ninyo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments