LGUs, dapat makipagtulungan sa pagsagip sa mga palaboy
@Editorial | July 7, 2023
Umarangkada na ang “Oplan Pag-abot” ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na layong tugunan ang dumaraming bilang ng mga palaboy sa kalakhang Maynila.
Sa ilalim ng naturang proyekto ay tutulungan ang mga bata at mga indibidwal na tumitira sa mga lansangan sa pamamagitan ng “reach-out operations”.
Hindi maitatanggi na ang lansangan ay hindi angkop na lugar para sa pamilya, lalo na sa kababaihan at kabataan na posibleng malantad sa exploitation.
Kaya umaasa tayo na sa pamamagitan ng bagong programa ng DSWD na sisimulan sa counseling ay unti-unting masasagip ang mga street dwellers.
Kapag natukoy na ang kanilang pagkakakilanlan at mismong kuwento ng kanilang buhay bago napunta sa lansangan, masisimulan na ang pagtugon sa kanilang mga pangangailangan.
Batay sa assessment, kabilang sa mga tulong na ibibigay ng ahensya ay medical assistance, food support, transportation at relocation aid, livelihood opportunities, transitory family support packages, emergency financial assistance, at transitory shelter assistance.
Masasabing sapat na ang mga ayudang ito para masagip sila mula sa lansangan at makapagsimula na makapamuhay nang ligtas at maayos.
Bukod sa magiging katuwang ng DSWD sa implementasyon ang Commission on Human Rights (CHR), umaasa tayo na makikiisa rin ang local government unit (LGU) lalo’t sila ang higit na nakakaalam sa sitwasyon sa kanilang nasasakupan.



Comments