top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

LGUs, dapat bantay-sarado sa health protocols, lalo na sa mga turista

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 13, 2022
2 min read

Updated: Feb 14, 2022

ni Ryan Sison - @Boses | February 13, 2022



Sa pagbubukas ng pamahalaan ng borders para mapalakas ang turismo at ekonomiya, dumagsa ang libu-libong banyagang turista.


Ayon sa Bureau of Immigration (BI), 8,000 biyahero ang lumapag sa bansa noong Huwebes kung saan 27% hanggang 30% nito ay mga dayuhan.


Mahigpit umanong iniinspeksiyon ng Bureau of Quarantine ang mga ipinapakitang vaccination cards ng mga dayuhan para matiyak na lehitimo, nababasa at pasok sa panuntunan ng pamahalaan.


Kaugnay nito, nagbigay-paalala ang Department of Health (DOH) sa mga lokal na pamahalaan na sumunod sa polisiya ng Inter-Agency Task Force (IATF).


Ang paalala ay makaraang pumayag ng Cebu LGU na tanggapin ang ‘unvaccinated foreign travelers’ simula sa Marso 1. Ngunit kailangan umanong magpakita ng negative swab result na lumabas 48-oras bago ang flight, maging ang turista man ay partially vaccinated o hindi bakunado.


Giit ng DOH, dapat kumonsulta ang lalawigan sa IATF bago ang inilabas na polisiya dahil kailangang maipatupad ang protocols sa buong bansa upang mapigilan ang hawahan.


Gayunman, makikipag-usap umano ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pamahalaan ng Cebu hinggil sa direktibang ito.


Bagama’t nakatutuwang unti-unting nakakabalik ang hanapbuhay sa sektor ng turismo, kailangan pa ring doble-ingat tayo.


Isa ang mga lokal na pamahalaan sa mga responsable pagdating sa pagtiyak na nasusunod ang protocols sa kanilang nasasakupan.


Tulad ng palagi nating sinasabi, ang pagluluwag ng mga restriksiyon ay para sa ekonomiya, kaya utang na loob, ‘wag tayong magpasaway. Nariyan ang mga polisiya upang sundin at hindi para dedmahin.


At kung may lalabag, posibleng tularan ng iba at ang masaklap, mabalewala ang mga pagsisikap ng iba, lalo na kung may nangyari nang hawahan. Bagay na ating iniiwasan upang magpatuloy ang pagbangon ng bansa sa malalang epekto ng pandemya.


Kaya pakiusap sa mga kinauukulan, makiisa tayo sa pamahalaan dahil pare-pareho lang naman ang ating gusto — ang ligtas na maibalik ang turismo at ekonomiya para sa ikabubuti ng nakararami.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page