LGBT COMMUNITY, TODO-SAKAY AT TANGGOL KAY AWRA KAHIT HULING NANG-HARASS NG LALAKI
ni Ambet Nabus @Let's See | July 4, 2023

Talagang marami tayong nakita at napulot na moral lessons sa kinasangkutang gulo ng young comedian na si Awra Briguela kamakailan.
Una, sa gitna ng sinasabing pagtatanggol ni Awra sa mga kaibigang babae na diumano’y nabastos, bakit nga siya lang ang nakipaglaban at naipit sa rambulan?
Si Awra tuloy ang nahuli, ikinulong at kinasuhan dahil na rin sa pakikipagtalo pa nito sa mga police officers na humuli sa kanya.
Ang tanong, nasaan na nga ba ‘yung sinasabing nasa 20 kataong niyang mga kasama?
Ikalawa, ano nga ba ang totoong kuwento sa mga viral videos na kumakalat tungkol sa tila pangha-harass ni Awra sa isang lalaki na pinipilit niyang maghubad ng pantalon upang ipakita nito ang hindi dapat makita?!
Hindi kasi namin makita ang usaping respeto at equality sa naturang video, lalo’t isa si Awra sa mga promotor ng matatawag na ‘harassment’ doon sa lalaki.

Katuwaan nga ba ‘yun ng mga may tama na ng alcohol (normal sa kantiyawan nila ang magmura, huh!) na nauwi sa rambulan o may mas malalim pang isyu ru’n?
Ikatlo, ganu’n na nga ba ka-entitled ang mga members ng LGBTQIA+ community, na basta na lang sumasakay sa isyu porke’t may mga opisyal na tila ‘baliko’ ang pagtingin sa hanay nila?!
And yes, ang ikaapat. Bakit nga ganu’n ang tila ‘general orientation’ ng nagpapatupad ng batas sa hanay ng mga LGBTQIA+ members. Masyadong mapangmaliit at mapanghusga?
Marami pang sumulpot na isyu kaugnay ng pangyayari, pero ipapaubaya na natin iyan sa mga nakasaad sa batas at usaping legal.
Mabulgar nawa ang katotohanan!





Comments