Leonard, Hinugutan ng lakas ng Clippers kontra T'Blazers
- BULGAR
- Apr 10, 2023
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | April 10, 2023

Pumulot ng mahalagang panalo ang LA Clippers laban sa bisitang Portland Trail Blazers, 136-125, upang mapabuti ang kanilang pag-asa na makakuha ng magandang puwesto sa parating na 2023 NBA Playoffs kahapon sa Crypto.com Arena. Pareho din ang layunin ng Minnesota Timberwolves at tinambakan ang kulelat na San Antonio Spurs, 151-131.
Pormal na magwawakas ang 2022-2023 NBA Regular Season at lahat ng 30 koponan ay may laro ngayong Lunes. Sa isa sa pinakamahigpit na karera sa kasaysayan sa West, hindi pa tukoy ang ika-lima at ika-anim na puwesto sa playoffs at mga maghaharap sa Play-In Tournament.
Humugot ng lakas ang Clippers mula kay Kawhi Leonard na may 27 puntos at reserba Norman Powell na may 23 puntos. Pumantay sila sa World Champion Golden State Warriors sa 43-38 panalo-talo para sa ika-lima at ika-anim na puwesto subalit humahabol sa kanila ang Los Angeles Lakers at New Orleans Pelicans na parehong 42-39.
Kahit anong mangyari ay tiyak na maglalaro sa Play-In Tournament ang Timberwolves subalit maaari pa silang umangat depende sa resulta ng mga huling laro. Bumomba ng 33 puntos si Anthony Edwards habang nag-ambag ng 22 puntos si Karl Anthony Towns sa kanyang ika-pitong laro matapos makabalik galing sa matinding pilay sa binti noong Nobyembre kaya napilitan siyang lumiban sa 52 laro.
Kahit sabay-sabay lumiban ang mga bituin ng Utah tulad ni kabayan Jordan Clarkson ay lumaban sila ng sabayan sa likod nina Ochai Agbaji na may 28 at Luka Samanic na may 23 puntos. Kahit wagi ay magbabakasyon ng maaga ang Jazz sa kartadang 37-44 habang bumaba ang Nuggets sa 52-29.





Comments