Leksiyon ng Myanmar, leksiyon ng Pilipinas

ni Fr. Robert Reyes - @Patakbo-takbo| February 7, 2021
Maraming taon na ang nakararaan nang bigyan tayo ng isang kaibigan ng kakaibang regalo. Nagpunta siya sa Myanmar upang dumalo ng seminar at pagbalik meron na siyang dala-dalang liham mula kay Aung San Suu Kyi.
Aniya, “Sana’y pagkalooban ka pa ng lakas at liwanag upang ipagpatuloy ang iyong dakilang pagkatakbo.” Ikinuwadro natin ang sulat at sinamahan ng larawan ni Suu Kyi mula sa pahayagan. Noong mga panahong iyon, kilala si Suu Kyi sa kanyang paglaban para sa kalayaan ng Myanmar mula sa pananakop ng mga heneral na inilagay ang Myanmar sa ilalim ng batas-military. Dahil sa tapang at sakripisyo niya, lumaya ang Burma at nagkaroon ng malayang halalan kung saan siya ang nanalong pangulo ng kanyang bansa.
Natamo ni Suu Kyi ang Nobel Peace Prize dahil sa kanyang ginawa para sa kanyang bansa. Ngunit, sa nakaraang “Rohingya Crisis,” tila nabahiran ang reputasyon ni Suu Kyi. Tahimik ito samantalang nagaganap ang pag-alis o pagpapaalis sa mga Rohingya sa Myanmar.
Mula ng 2015, pinaalis ang mga Rohingya, Muslim na nakatira sa Arrakkan at Rakhine, probinsiya ng Myanmar. Ngayon daang libong Rohingya ang nagsisiksikan sa mga refugee camps sa Bangladesh, Malaysia, Indonesia, Cambodia, Laos at Thailand. Sa mga panahon ng pagtugis at pag-uusig sa mga Rohingya, nanatiling tahimik si Aung San Suu Kyi. Marami ang nasaktan at higit sa lahat namatay.
Sa pag-aaaral na ginawa noong Agosto 2018, tinatayang 24,000 na ang namatay mula nang nagsimula ang “clearing operation” noong Agosto 2017. At nagtaka ang buong mundo sa katahimikan ni Aung San Suu Kyi. Pagkatapos na-house arrest si Aung San Suu Kyi ng halos 15 taon, dahil sa kanyang paglaban sa pananamantala ng mga heneral sa kanyang bansa, ito ay lumaya, tumakbo sa eleksiyon at nanalong pangulo ng kanyang bansa. Subalit nagtaka ang buong mundo sa tugon nito sa naturang Rohingya Crisis: Katahimikan.
Marami nang nasulat tungkol sa katahimikan ni Aung San Suu Kyi. Marami na ring nadismaya at nawalan ng paggalang sa nanalo ng Nobel Peace Prize. Marami nang bumawi sa mga tinanggap niyang iba’t ibang parangal sa mga pamahalaan at unibersidad. Sa pagkakataong tinanong si Aung San Suu Kyi tungkol sa kanyang katahimikan sa malungkot na kalagayan ng Rohingya, ang simpleng sagot nito, “I will always be a politician.”
Hindi inosente ang ingay at katahimikan. Ang mahalaga ay malinaw at tama ang dahilan ng pamamahayag o katahimikan. Maaaring manahimik dahil hindi pa handa at nararapat magsalita dahil kulang pa ng pag-aaral at paghahanda para sa dapat sabihin.
Maaari ring magsalita o mamahayag dahil kung hindi maraming mapapahamak o may mga prinsipyo o paninindigan na makokompromiso o masisira. Maraming sinasabi at pinapaliwanag ang sagot ni Aung San Suu Kyi, “I have always been a politician.”
Maraming ganyan sa ating bansa—maraming ganyang pulitiko. Nakakatakot kung pati ang hindi pulitiko ay maging ganito, tulad ng mga guro, pari o taong-simbahan, kabataan, batang propesyunal at iba pa. Ito ang malungkot na leksiyon ng Myanmar na dapat pag-aralan ng lahat. Ang maling katahimikan o pamamahayag na bunga ng mababaw at mapagsariling pulitika ay nakamamatay ng mamamayan at sumisira ng bansa.





Comments