Leg 1: Zambo, iniligpit ang Uling Roasters sa CTG-Pilipinas 3X3

ni Anthony Servinio - @Sports | October 23, 2020

Umukit ng bagong kasaysayan ang pinakaunang lokal na ligang propesyonal ng 3X3, ang 2020 Chooks To Go Pilipinas 3X3 President’s Cup hatid ng TM, sa matagumpay nitong pagbukas sa Inspire Sports Academy noong Miyerkules. Pinatunayan ng Family’s Brand Sardines-Zamboanga City ang kanilang kalidad at iniligpit ang Uling Roasters-Butuan, 21-17, at ibulsa ang P100,000 na premyo.
Kumapit ang Butuan sa 17-14 na kalamangan matapos ang dalawang free throw ni Chico Lanete at 2:28 sa orasan. Subalit nagising ang Zamboanga City at winakasan ang laban sa pamamagitan ng pitong sunod-sunod na puntos, apat dito galing kay Joshua Munzon kasama ang huling free throw na may 17 segundong nalalabi galing sa foul ni Franky Johnson.
Nagtapos si Munzon na may 12 puntos at tinulungan siya ni Alvin Pasaol na may anim at Leonard Santillan na may dalawa. Isang puntos lang ang ambag ni Troy Rike ngunit ito ang nagpatabla ng iskor, 17-17, at sinundan niya ito ng agaw sabay pasa ng bola kay Santillan para mabawi ang kalamangan at hindi na lumingon pa. “Tingin ko sa huli lumabas ang aming karanasan sa paglaro sa FIBA 3X3 World Tour,” wika na Pasaol. “We just stuck to our script, we took advantage of our advantages,” dagdag ni Munzon.
Muntik na matalo ang Zamboanga City sa Nueva Ecija Rice Vanguards sa semifinals, 21-19, at linigtas sila nina Munzon at Pasaol sa huling minuto para makakalas sa 19-19 na tabla, Tinalo ng Butuan ang Zamboanga Peninsula Valientes MLV sa kabilang semifinal, 21-16.
Sa mga ibang palaro, nakakuha ng konswelo si Chris de Chavez ng Butuan at siya ang kampeon sa TM Two-Point Shootout. Si Darwin Cantong ang kampeon sa TM Slam Dunk Contest.





Comments