Last disqualification kay BBM ibinasura, tapos ang boksing!
- BULGAR
- Apr 22, 2022
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | April 22, 2022
TAPOS na ang laban.
Ibinasura na ng Comelec ang huling kaso ng disqualification laban kay dating senador Bongbong Marcos, Jr.
Ibig sabihin, wala nang aalalahanin ang kanyang mga taga-suporta.
◘◘◘
Sa kabila ng mataas na grading 55 hanggang 62 percent sa resulta ng mga opinion survey, malinaw na hindi pa rin nagpi-peak ang graph line ng suporta kay Marcos sa nalalabing 20 araw ng kampanya.
Inaasahang lalong aangat ito hanggang sa tumuntong ang buwan ng Mayo.
◘◘◘
Sa totoo lang, ang resulta ng exit poll sa overseas voting ay pumapalo sa higit 90 porsyento na isang paniwalaan-dili.
Pero, batay sa mga sitwasyon partikular ang pagbabasura ng Comelec sa lahat ng disqualification cases ay nagpapahiwatig na magkakatotoo nang aktuwal ang resulta sa absentee voting sa iba’t ibang bansa.
◘◘◘
Nauna rito, ang katawa-tawang press conference ng mga nakukulelat sa surveys na sina Isko Moreno, Ping Lacson, Manny Pacquiao at Norberto Gonzales ay nagpapatunay din sa pag-angat ng graph line ni Marcos.
Kasi’y ang naging impresyon sa naturang press conference ay pag-atake kay VP Leni Robredo at pag-amin ng pagkatalo ng mga “dumalo sa press conference”.
◘◘◘
Imbes na madagdagan, mababawasan ang boto nina Moreno, Lacson, Pacquiao at Gonzales — at ito ay mahihigop ng boto ni Marcos.
Walang duda, maaabot ang pambihirang 80-90 percent suporta ni Marcos mula sa mga botante.
◘◘◘
SA totoo lang, ang pinag-uusapan na ngayon ay kung paano ‘pag nakaupo na si Marcos sa Malacañang, imbes sa kung sino ang magwawagi sa eleksyon.
Nahaharap si Marcos sa isang malaking problema, at ito ay ang bagsak na ekonomiya.
◘◘◘
PAANO maibaba ang presyo ng mga produkto at singil sa konsumo ng mga utilities tulad ng tubig, kuryente, matrikula, pasahe at iba pa.
Malaking sakit ito ng ulo.
◘◘◘
PAANO maitaas ang suweldo nang hindi magrereklamo ang mga may-ari ng negosyo na posibleng mabangkarote?
Paano, ireresolba ang isyu sa work-from-home na magpapahina ng galaw ng ekonomiya dahil diskaril ang mobilisasyon?
◘◘◘
PAANO na ang raket ng mga telecom na hindi rin naman napagbuti ang serbisyo gayong mayroon nang tatlong malalaking korporasyon?
Paano na ang magiging trato sa social media na kinokontrol ng mga dayuhan imbes na mga Pinoy?
◘◘◘
PAANO ang magiging relasyon ng Pilipinas sa US, Europe, China, Russia at iba pang bansa na sangkot sa digmaan?
Paano na ang mag-e-expire na COVID vaccines at pagtanggi ng mga tao na magpabakuna dahil sa kawalan ng tiwala sa mga awtoridad tulad ng WHO at DOH?
◘◘◘
MASELAN ang mga susunod na buwan matapos ang eleksyon.
Nakasandal ang pag-asa ng 100 milyong Pinoy kay Marcos na magagawan niya ng solusyon ang sangkaterbang krisis.








Comments