top of page
Search
  • BULGAR

Las Pinas Lodis at Cagayan Valley Water Buffalo sa NBL

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 17, 2022





Dalawa pang bagong koponan ang idaragdag ng National Basketball League (NBL-Pilipinas) para sa mas malaking torneo nito ngayong 2022. Kamakailan ay pormal na tinanggap ng liga ang aplikasyon ng Las Pinas Lodis at Cagayan Valley Water Buffalo at maaga pa lang ay buo na ang mga koponan.


Ang Lodis ang unang pagkakataon na magkakaroon ng kinatawan ang Las Pinas sa isang ligang propesyunal. Binubuo sila ng mga dating varsity at mga mahuhusay galing sa mga lokal na liga sa lungsod at gagabayan ni Coach Al Vergara.


Agad makikilala ang mga pangalan nina Ivan Villanueva na saglit naglaro para sa Adamson University at Domark Matillano ng Philippine Merchant Marine School na parehong may karanasan sa mga organisadong liga. Tutulungan ang dalawang beterano ng mga kabataang sina John Anthony Umali ng Jose Rizal University, Martin Manatad ng PMMS, Julian Posada ng Olivarez College at Crispin Barnedo ng Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa.


Hindi lang lalawigan ng Cagayan ang kakatawanin ng Water Buffalo kundi ang buong Rehiyon II. Ang koponan ay pangungunahan ni dating NCRAA Most Valuable Player Dahrrel Caranguian ng De Ocampo Memorial College at Dan Alberto ng University of the East.


Sasamahan si Caranguian ng ilang naging kakampi sa DOMC na sina Angelo Ramos, Jimmy Schwartz at Arnel Gutierrez at Nino Tamayo ng La Consolacion College-Manila.


Ang iba pang mga kasama sa Water Buffalo ay mga varsity ng paaralan sa Cagayan.


Nauna nang naulat ang paglahok ng Narvacan Ilocos Sur Panthers. Hindi pa riyan nagtatapos at may ilang mga koponan ang nagpahiwatig ng balak na maging bahagi ng NBL na tinatayang magbubukas sa Pebrero o Marso.


Samantala, tiyak na ang paglahok ng mga kinatawan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa 2022 Women’s National Basketball League (WNBL). Pinulong ng pamunuan ng liga ang mga manlalaro ng Army, Navy at Air Force kung saan inilatag ang mga patakaran ng WNBL lalo na ang mas pinatibay na alituntunin kontra sa pagsusugal sa laro.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page