ni Gerard Arce @Sports | July 15, 2024
Handa ng iparada ng Farm Fresh Foxies ang mga bagong pambato na sina 4th pick Maicah Larroza ng La Salle Lady Spikers at second round pick Pierre Abellana ng UST Golden Tigresses para sa Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference na magsisimula ngayong Martes sa Philsports Arena sa Pasig City.
Sa kabila ng kinakaharap na bagong hamon sa bagong komperensiya, nananatiling optimistiko ang koponan tungkol sa kanilang mga pagkakataon na palakasin ang pagdating ng dalawang batang manlalaro na maaasahan bilang mga opposite hitters.
Nais ng Foxies na malampasan nila ang 3-8 kartada sa nagdaang All-Filipino Conference na huhugot ng malaking motibasyon mula sa pagkuha ng straight set na panalo kontra Chery Tiggo Crossovers, pagkuha ng isang set laban sa eight-time champion na Creamline Cool Smashers at pahirapan ang two-time finalists na Choco Mucho Flying Titans sa madugong fifth set na harapan.
Paniguradong magagamit ng todo ng Foxies sina Larroza at Abellana sa panibagong transpormasyon sa pagkakaroon ng Japanese coach para magbigay ng agarang epekto pagpasok ng pros kaakibat ang kanilang karunungan sa ibang bagay at pagkakaroon ng mataas na abilidad ng pagtalon.
“Nao-overwhelm ako ngayon and I did not expect to be picked by Farm Fresh. But of course, I am very excited and I am looking forward to work with my future coaches and teammates,” wika ng 5-foot-3 na si Larroza. “With a Japanese coach and Farm Fresh being a young and emerging team, I am very excited na i-share yung skills ko sa kanila and I’m also excited na matuto ng mga bago sa Japanese coach and sa system ng Farm Fresh.”
Comments