Lamelo, Rozier, McDaniels at Plumlee, nagka-COVID
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 06, 2021

Apat na manlalaro ng Charlotte Hornets ang sumailalim sa health protocol na sina 2021 Rookie of the Year LaMelo Ball, Terry Rozier, Jalen McDaniels at Mason Plumlee.
Walang balak sa ngayon ang NBA na ipagpaliban ang mga laro ng Hornets na kabaliktaran ng patakaran noong nakaraang taon. Maliban na lang kung sa loob ng 10 araw ay mag-negatibo sa dalawang sunod na tests sa 24-hour period, ayon sa rules ng liga.
Samantala, isang araw matapos maagaw ang solong liderato ng NBA, nakatikim ang Golden State Warriors ng talo sa kamay ng bisitang San Antonio Spurs, 112-107, sa aksyon kahapon mula sa Chase Center. Dahil dito, tabla muli sa 19-4 ang Warriors at Phoenix Suns na tinalo nila noong isang araw, 118-96.
Bumida sa Spurs sina Derrick White na may 25 puntos at Dejounte Murray na may 23 puntos at 12 rebound. Gumawa ng 27 puntos si Stephen Curry subalit kinapos ng tulong sa mga kakampi. Kalahating laro na lang ang lamang ng Brooklyn Nets sa taas ng Eastern Conference matapos gulatin sila ng humahabol na Chicago Bulls, 111-107. Numero uno pa rin ang Nets sa 16-8.
Sumandal ang bisitang Chicago sa malakas na laro sa fourth quarter nina Zach LaVine na may 31 puntos at DeMar DeRozan na nagdagdag ng 29 puntos. Nasayang ang 28 puntos at 10 rebound ni Kevin Durant. Hindi rin pinalad ang kapitbahay ng Nets na New York Knicks at ipinadapa sila ng bisitang Denver Nuggets, 113-99. Halimaw si MVP Nikola Jokic sa 32 puntos.
Nakabawi ang World Champion Milwaukee Bucks sa Miami Heat, 124-102, kahit patuloy ang pagliban ni Giannis Antetokounmpo. Tinakpan ang kanyang pagkawala nina Pat Connaughton na nagsumite ng 23 puntos.
Kasama sa mga nanalo kahapon ang Memphis Grizzlies na napigil ang huling paghabol ng Dallas Mavericks, 97-90. Mainit sa 29 puntos sa 34 minuto si Desmond Bane at sinundan ni Tyrus Jones na may 16 points.





Comments