Lalo na sa mga probinsya… Tutukan ang serbisyong-medikal sa bansa
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 10, 2022
Kabi-kabila ang nakararating sa ating reklamo hinggil sa kakulangan ng mga pagamutan sa maraming bahagi ng bansa, lalo na sa mga lalawigan na karaniwa'y tinitiis na lamang ang hirap ng may karamdaman dahil sa layo o wala talagang pagamutan.
May mga lalawigan namang may ospital nga, pero kulang na kulang naman sa kagamitan nakapanghihinayang dahil naglalakihan pa naman ang mga ospital sa ilang lalawigan, ngunit walang kakayahang magpagaling ng may malalang karamdaman.
Marami rin ang nagbibigay ng komento at pumupuna hinggil sa sistema ng serbisyong-medikal sa bansa, ngunit bukod sa mga pahayag ay tila wala namang konkretong hakbang para bigyan ng seryosong solusyon ang kalagayan ng serbisyong-medikal.
Kaya heto at muli ay naghain ang inyong lingkod ng Senate Bill No. 26 o ang “Kaayusan sa Adhikaing Pagamutan (KAP) Act”, na naglalayong mapabilis at maitaas ang antas ng health facility development at iba pang puwedeng gawin para maitaas ang serbisyong medikal sa bansa.
Napapanahon din ang isinumite nating panukala dahil ginugunita natin ang National Hospital Week na ipinagdiriwang tuwing Agosto 6 hanggang 12 ng bawat taon para bigyang-pugay ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga pagamutan sa buong bansa.
Taong 1993 nang mag-isyu ang kapapanaw pa lamang nating dating Pangulo na si Fidel V. Ramos ng Presidential Proclamation 181 na ang nabanggit na petsa ay isa ng National Hospital Week.
Kaya ayaw nating palampasin ang pagkakataong basta na lamang lilipas ang isinasagawa nating paggunita ng wala man lamang tayong maiaambag para mas lalo pang mapalawak at mapag-ibayo ang ating serbisyong medikal.
Naging malaking aral sa atin ang karanasan sa kasagsagan ng pandemya nang lumobo ang kaso ng COVID-19 at tumambak ang napakaraming pasyente sa labas ng mga pagamutan dahil sa kakulangan ng pasilidad, lalo na ang mga intensive care units (ICU).
Kung sakaling maging ganap na batas ang iniakda nating panukala ay magiging mabilis ang pagkilos para madagdagan ang mga ospital at iba pang health care facilities para mas makapaghanda tayo sa anumang bugso ng kaso ng sakit lalo pa at nasa panahon pa rin tayo ng pandemya.
Isa pa ay umaayon din ito sa inihayag ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 5, 2022 na kailangan umanong magtayo ng maraming pagamutan sa iba’t ibang bahagi ng bansa para mas mailapit ang serbisyong-medikal sa taumbayan.
Nakasusog din ito sa infrastructure program ni dating Pangulong Duterte na Build, Build, Build, ngunit nakatuon lamang ito Philippine Health Facility Development Plan upang matugunan ang kakulangan sa health care infrastructure tulad ng hospitals, polyclinics, referral laboratories, birthing centers at iba pang pasilidad pangkalusugan.
Bukod sa nais nating magkaroon ng mga karagdagang ospital ay nakapaloob din sa ginawa nating panukala ang pagsasayos ng mga luma, ngunit gumagana pang pasilidad pero pinagtitiisan lamang ng ating mga health workers.
Lalo na sa mga probinsya, itinuturing pa namang provincial hospital, ngunit sira-sira na ang mga kisame, hindi maayos ang mga pintura at kung wala nga lamang mga kama ay hindi talaga aakalaing ospital dahil maging ang kalinisan at dapat talagang pag-ibayuhin.
Maraming ospital ang walang supply ng tubig at umaasa lamang sa rasyon at ang iba'y gumagamit lamang ng poso, ngunit walang pressurized tank para dumaloy ng maayos ang tubig na pangunahing kailangan sa mga ospital.
Nakadetalye rin sa nabanggit na panukala na ang maliliit na pagamutan na pinatatakbo ng pamahalaan ay unahing ayusin at kung may sapat pang espasyo ay dagdagan ang sukat at palawakin ang kapasidad para mas higit na makapagbigay serbisyo.
Maging ang Department of Health (DOH) ay tahasang inihayag ang kakulangan ng mga pagamutan at kapasidad nito para tugunan ang pagdagsa ng mga pasyente, tulad ng naging biktima ng COVID-19, lalo na ang napakababang bed capacity sa mga pagamutan ng pamahalaan.
Kung maisasaayos at mapapalawak pa ang healthcare facilities at makapagtatayo ng mas accessible na mga ospital ay mas marami tayong kababayang mabibigyan ng serbisyong medikal at maiiwasan na madagdagan pa ang bilang ng mga binabawian ng buhay.
Maraming kaso sa mga probinsya, lalo na ‘yung mga kababayan nating nasa bulubunduking bahagi ng bansa ang umaasa na lamang sa albularyo o faith healer dahil nga sa kakulangan ng mga pagamutan.
Hindi tuloy malaman kung ang nagiging sanhi ng kamatayan ng ilan nating kababayan dahil hindi natingnan ng doktor, kaya abularyo na lamang ang nagsasabi ng sanhi ng pagkamatay—kung hindi nakulam, nasaniban o nakatapak ng bahay ng duwende.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.co





Comments