Lalaking tumatawid sa pedestrian lane, utas sa karera ng 2 sasakyan

by Jeff Tumbado @News | September 11, 2026

Photo: Na hit and run sa Cebu - Circulated FB
Patay ang isang 42-anyos na lalaki matapos masagasaan ng kotse na umano’y nakikipagkarera sa isa pang sasakyan sa Gov. M. Cuenco Ave., Brgy. Banilad, Cebu City, pasado alas-3 ng madaling-araw nitong Biyernes.
Kinilala ang biktima na si Ralph Salise, residente ng lugar, na tumatawid sa pedestrian
lane nang salpukin ng Toyota Vios.
Isinugod siya sa ospital ngunit idineklarang dead-on-arrival dahil sa malulubhang pinsala sa katawan at ulo.
Sa imbestigasyon, lumabas na nakikipag karera umano ang driver ng Vios sa kaibigang sakay ng Toyota Raize bago ang insidente.
Matapos mabangga si Salise, iniwan umano ng driver ng Vios ang sasakyan at sumakay sa Raize kasama ang menor-de-edad niyang pasahero. Tinangka silang harangan ng isang taxi ngunit binangga umano ito ng Raize bago tumakas.
Kalaunan, bumalik sa lugar ang driver ng Raize at agad inaresto matapos ituro ng mga saksi. Ayon sa pulisya, ibinaba nito ang driver ng Vios sa Brgy. Basak, Mandaue City.
Patuloy na pinaghahanap ang driver ng Vios, na mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide.
Nasa kustodiya naman ng Cebu City Police Office ang driver ng Raize habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya.





Comments