Lalaking tumalon sa QC flyover, buhay
- BULGAR

- Nov 12, 2023
- 1 min read
ni Eli San Miguel - Trainee @News | November 12, 2023

Nakaligtas ang lalaking nag-viral sa social media matapos tumalon mula sa railings ng Meralco Avenue Flyover sa Quezon City, ayon sa mga lokal na awtoridad ngayong Linggo.
Nangyari ang insidente kahapon, Sabado, bandang 5:22 ng hapon at kinilala ang lalaki bilang si John Mark Santos Aquino, 26-anyos, isang residente ng Purok Uno, Barangay Rizal, Naguilian, Isabela, ayon sa Quezon City Police Department (QCPD).
Tumama si Aquino sa isang motorsiklo nang bumagsak siya sa Ortigas Avenue Flyover, dahilan para mapinsala ang sasakyan habang natumba naman sa kalsada ang driver at pasahero nito.
Nagtamo ng maraming sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan si Aquino at dinala sa Victor R. Potenciano Medical Center ng Metropolitan Manila Development Authority Medical responding team.
Inilipat siya sa Mandaluyong City Medical Center alas-6:30 ng hapon ngayong araw para sa medical treatment, ayon sa QCPD.
Ayon sa lokal na awtoridad, ipinasok si Aquino sa National Center for Mental Health sa Mandaluyong City matapos ang isang oras para sa mental evaluation.
Samantala, ang may-ari ng sasakyan kung saan bumagsak si Aquino ay nagpasya na sagutin na lang ang pagkakabasag ng kanyang motorsiklo at hindi na maghahain ng reklamo.




Comments