Lalaki, naglimas ng baha, natagpuang naaagnas na
- BULGAR

- 6 minutes ago
- 1 min read
ni Maeng Santos @News | August 26, 2026

Photo: File
Nagsimula nang maagnas ang bangkay ng 45-anyos na scavenger nang matagpuan habang bahagyang nakalubog sa baha sa silong ng isang bahay sa Malabon City, Lunes ng gabi.
Nakaamoy ng masangsang si alyas Merryann, 40, na nagmumula sa silong ng kanilang bahay sa Brgy. Tonsuya at nang kanyang tingnan, nadiskubre niya ang bangkay ng biktimang si Raffy Gulane, alas-7:30 ng gabi.
Sa report ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission kay NPD Director P/BGen. Benliner Capili, nakausap pa ng ina ni "Merryann" na si Aling Adelfa ang biktima noong Sabado ng tanghali at ipinakiusap na limasin ang baha sa silong ng kanilang bahay.
Sa pag-aakalang hindi sumunod ang biktima, pinuntahan ito ni Aling Adelfa sa kanilang bahay ng sumunod na araw subalit, hindi niya natagpuan ang binata at hindi rin mahanap ng 70-anyos na ina.
Sa ginawang pagpoproseso sa bangkay ng biktima ng NPD-SOCO, walang palatandaan ng karahasan ang nasawi bagama’t hihintayin pa nila ang resulta ng isasagawang awtopsiya sa bangkay.





Comments