Lakers, Suns, Grizzlies at Bucks, umatakeng malupit
- BULGAR

- Feb 3, 2021
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 3, 2021

Tinuldukan ng defending champion Los Angeles Lakers ang kanilang dalawang linggong biyahe sa pamamagitan ng 107-99 tagumpay sa Atlanta Hawks sa pagpapatuloy ng NBA kahapon sa State Farm Arena. Ipinasok ni LeBron James ang huling siyam na puntos ng Lakers upang umangat sa 16-6.
Huling nagbanta ang Hawks (10-9) sa tres ni Trae Young, 97-98, at 1:40 ang nalalabi at iyan ang hudyat para bumida muli si James at isalba ang koponan. Nagtapos na may 12 ng kanyang 21 puntos si James sa fourth quarter habang may 25 si Anthony Davis at 19 si Montrezl Harrell.
Ipinasok ni Devin Booker ang tres na may 1.9 segundo sa orasan at umulit ang Phoenix Suns sa Dallas Mavericks, 109-108. Nagtapos si Booker na may 24 puntos upang tulungan si Chris Paul na may 34 puntos, siyam na rebound at siyam na assist para sa kartadang 11-8
Naka-dalawang sunod din ang Memphis Grizzlies sa San Antonio Spurs, 133-102. Siyam na Grizzlies ang nagtala ng 10 o higit pang puntos sa pangunguna nina Gorgui Dieng at Brandon Clarke na may 19 at 18.
Kinailangan ng Charlotte Hornets ang mahusay na laro nina Gordon Hayward at Devonte Graham sa overtime upang palamigin ang Miami Heat, 129-121. Nanguna sa Hornets (10-11) si Malik Monk na tumira ng siyam na tres para sa 36 puntos at sinundan ni Graham na may 24.
Tinambakan ng Milwaukee Bucks ang Portland Trail Blazers, 134-106, upang makabalik sa ikalawang pwesto sa Eastern Conference na may kartadang 12-8. Namuno sa balansyadong atake ng Bucks sina Jrue Holiday at Bobby Portis na may 22 at 21 puntos.
Madaling nanalo ang Houston Rockets sa Oklahoma City Thunder, 136-106. Nagsumite ng 25 puntos si Eric Gordon at may double-double si Christian Wood na 18 puntos at 11 rebound.
Nakabawi ang Cleveland Cavaliers sa Minnesota Timberwolves, 100-98, salamat sa tatlong free throw ni Taurean Prince sa huling 19 segundo. Uminit para sa Cavs (10-11) sina Collin Sexton na may 26 puntos at Andre Drummond na may 23 puntos at 18 rebound.
Panalo din ang Chicago Bulls sa New York Knicks, 110-102. Humugot ng lakas ang Bulls (8-11) kay Lauri Markkanen na may 30 puntos at Zach LaVine na nag-ambag ng 21.
Samantala, ipinagpaliban muna ng liga ang nakatakdang laro ng Detroit Pistons sa Denver Nuggets. May nasuring positibo ang isang kasapi ng Pistons at umakyat sa 24 ang apektadong laro.





Comments