'Pinas proud na pinarangalan sa 75 years membership sa FIVB

by Gerard Arce @Sports News | November 24, 2026

Photo: Kinatawan nina Asian Volleyball Confederation (AVC) president Ramon “Tats” Suzara at executive director Atty. Miko Suarez ang pagtanggap ng plake ng pagkilala ng International Volleyball Federation (FIVB) para sa Pilipinas ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) bilang isa sa mga miyembrong may 75 taon na sa pederasyon sa Dominican Republic. (AVCpic)
Binigyang pagkilala ng International Volleyball Federation (FIVB) ang Pilipinas bilang isa sa mga miyembrong may 75 taon na sa pederasyon at pinalakpakan ang video message ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Patrick Gregorio tungkol sa pagiging host ng bansa sa men’s world championship noong 2025 pati na rin sa gaganaping women’s world championship sa Cebu sa 2029.
Nanguna sa pag-abot ng plake si Asian Volleyball Confederation (AVC) president Ramon “Tats” Suzara kay executive director Atty. Miko Suarez, na kumatawan sa Philippine National Volleyball Federation (PNVF), bilang simbolo ng matagal nang pagiging miyembro ng bansa sa FIVB sa ika-40 world congress ng FIVB sa Punta Cana, Dominican Republic. “It as a momentous moment for the Philippines in the world congress, which was attended by all of the FIVB’s 222-member national federations,” wika ni Suzara.
Nabigong makadalo si Gregorio sa naturang event dahil sa responsibilidad sa hosting ng bansa sa 48th Asean Summit. “We will never forget what we learned here in the Philippines,” ani Gregorio sa nasabing video, patungkol sa hosting ng 2025 men’s world championship. “A vital milestone in this journey and an opportunity to bring that same success to more regions of the Philippines.”
Malugod na tinanggap ng AVC, sa pamamagitan ni Suzara, ang mga kaakibat nitong pambansang pederasyon kung saan nagpalitan sila ng mga pananaw sa kinabukasan ng volleyball at pinatibay ang internasyonal na kolaborasyon.
Binigyang-diin ni Suzara ang kahalagahan ng pagpapanatili ng matibay na ugnayan sa mga pambansang pederasyon at pagtiyak na ang mga pagkakataon para sa pakikilahok at pag-unlad ay mananatiling mahalaga sa mga prayoridad ng kompederasyon.





Comments