Lakas ng loob sa gitna ng mga problema
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | February 26, 2022
Ika-23 ng Pebrero 2017 nang natanggap natin ang tawag mula sa tanggapan ni Senadora Leila de Lima. Nakikiusap ang butihing senadora na samahan siya sa Kampo Crame kinabukasan dahil ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) ang utos ng korte na siya’y arestuhin at ikulong.
Ako’y nasa Tagaytay noon para sa seminar kaya’t dali-dali akong naghandang bumaba at tumuloy sa Senado para kausapin ang senadora. Nang pababa na ako ng Tagaytay, muling tumawag ang staff niya para sabihan akong huwag nang tumuloy sa Senado dahil pinayagan na ng mga pulis na umuwi at magpaalam ang senadora.
At sa halip na magtungo ng Senado, tumuloy na lang ako sa aking uwian. Hindi nagtagal pa’t muling tumawag ang staff ng senadora para sabihing muling nagtungo ang pulisya sa bahay ng senadora para ito’y hulihin.
Malinaw na paglabag ito sa kasunduan. Pagkatapos nilang payagan ang senadora na umuwi at dalawin ang kanyang ina, sumusunod na rin pala ang mga ito para hulihin siya sa labas ng Senado.
Ngunit, mabilis kumilos ang butihing senadora. Bagama’t nakabihis pantulog, mabilis siyang nagbihis at umalis ng bahay upang bumalik sa Senado.
At ganun ang nangyari, naunahan niya ang kapulisan na makaalis ng kanilang bahay at makabalik sa Senado.
At umalis tayo nang maaga kinabukasan upang magtungo sa Senado bago mag-alas-4: 00 ng umaga. At nang dumating ako ng Senado, hindi na kami naghungus-dili at inihanda ko na ang lahat para sama-samang ipagdasal ang senadora. Umupo siya sa aming gitna, pinakiusapan ko ang lahat na ilahad nila ang kanilang mga kamay patungo sa senadora at ipagdasal ito. Pagkatapos magdasal, nagulat na lang ako nang anyayahan ang lahat ng staff na kumanta ng “Happy Birthday.”
Malungkot ang paghihiwalay namin sa butihing senadora na walang linaw kung kailan ito lalaya.
Bilang pagsuporta sa senadora, sinikap na lang natin dumalaw dito at magmisa tuwing linggo ng umaga. Dumarating tayo ng ika-10 ng umaga upang magmisa at makipagkuwentuhan ng kaunti.
Ala-1: 00 ng hapon, nag-ayos na ang mga bisita upang lumabas ng piitan ng Kampo Crame o ang PNP Custodial Unit.
Isa lang ang malinaw, sa kabila ng pagkakakulong ni Senadora De Lima, hindi ito natinag at pinanghinaan ng loob, bagkus ay lalo pang lumalim ang pananalig nito sa Diyos — lalong luminaw at tumibay ang kanyang paninindigan at naunawaan nito ang kanyang dakilang bokasyon at misyon bilang tagapahayag ng katotohanan at tagapagtaguyod ng katarungan.





Comments