Lahat ng sangkot sa ‘kidney for sale’, tuluyan
- BULGAR
- Jul 18, 2024
- 1 min read
by Info @Editorial | July 18, 2024

Nakababahala ang panibagong kaso ng ‘kidney for sale’.
Mas nakaaalarma na tila lumawak at lumakas pa pala ang ilegal na gawaing ito.
Kamakailan, pinasok ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation-National Capital Region (NBI-NCR) ang isang bahay sa isang exclusive subdivision sa San Jose Del Monte, Bulacan.
Nag-ugat ito sa sumbong ng ilang biktima na rito binabahay umano ang mga nire-recruit na kidney donor kapalit ng P200,000. Sa naturang bahay umano sila pinatitira bago at pagkatapos operahan.
Tatlo ang inaresto na tumatayo umanong caretaker ng bahay at tagapangalaga ng mga biktima. Siyam naman ang na-rescue. Apat sa kanila ang naoperahan na, at lima naman ang ooperahan pa lang.
Naaktuhan pa ng NBI ang perang ibibigay pa lang sa isang biktima matapos ma-harvest umano ang kanyang kidney.
Inamin ng dalawang suspek na dati silang biktima at ibinenta rin ang kanilang kidney. Ang mas nakapanlulumo sa kasong ito, isang nurse ang kanilang inginuso na umano’y taga-National Kidney Transplant Institute (NKTI) na siyang utak ng ‘kidney for sale’.
At dahil tila talamak na ang ilegal na gawain, kailangang mas paigtingin ang pagbabantay lalo na sa social media kung saan nare-recruit ang mga “donor”.
Kapag may iba pang nahuli, patawan agad ng mabigat na parusa.
Comments