Lahat ng gusto ng misis, ibinibigay… MATTEO, KUNTENTO KAHIT WALA PA RIN SILANG ANAK NI SARAH
- BULGAR
- Aug 7
- 3 min read
ni Melba R. Llanera @Insider | August 7, 2025

Photo: Sarah at Matteo - IG
Sa Easy Brand Food and Beverages Fair 2025 na ginanap sa SMX Convention Center, natanong namin si Matteo Guidicelli sa naging viral sa social media na may anak na raw sila ng asawang si Sarah Geronimo.
Agad namang kinlaro ni Matteo na wala pa silang baby ng asawa pero kita naman sa aktor na masaya at kuntento ito sa pagsasama nila.
Sa nakaraang 37th birthday nga ni Sarah kung saan kumain sila sa isang French restaurant sa Europe, kitang-kita ang pagiging romantiko at maalaga ni Matteo sa misis.
Sa nasabing interview din ay kinumusta namin ang dalawang business courses ni Matteo sa Harvard Business School, at ayon kay Matteo ay mahalaga ang edukasyon at masarap sa pakiramdam na ibahagi ito sa mga tauhan nila sa kanilang mga negosyo.
Heto nga’t pinasok na rin nila ang music label industry kung saan ini-launch nila ni Sarah ang G Music. Very proud ang aktor sa bago nilang negosyo ng asawa kung saan ayon nga sa aktor ay dito ang magiging tahanan ng musika ni Sarah.
Ayon pa kay Matteo, sa G Music ay magiging business savvy ang mga singers kung saan hindi lang sila pang-on cam kundi malalaman din nila ang mga nangyayari sa likod ng kamera, kung saan mahalaga ang transparency at collaboration.
Nang tanungin kung hawak pa rin ba sila ng Viva management, binigyang-linaw naman ni Matteo na Viva artists pa rin ang asawa.
Bukod sa pagiging isang singer, artista, reservist ay isa ring entrepreneur si Matteo.
Nu’ng mag-guest siya sa naturang event ng Easy, ipinangako niya na susubukan niya ang naturang produkto sa kanyang mga food business dahil naniniwala siya sa kalidad ng mga gawang Pinoy at malaki ang maitutulong nito sa pag-unlad ng mga local businesses.
SA press conference ng fan-driven music countdown show, ang Vibe, nakausap namin si Joao Constancia at nahingan namin siya ng reaksiyon sa relasyong Sue Ramirez-Dominic Roque. Naging magkasintahan sina Joao at Sue sa loob ng dalawang taon at nag-break sila noong 2019.
Nagkaroon naman ng non-showbiz girlfriend si Joao na nauwi rin sa paghihiwalay, samantalang si Sue naman ay naging boyfriend si Albee Benitez na nauwi rin sa breakup at ngayon nga ay karelasyon na ng Kapamilya actor na si Dominic Roque.
Ayon kay Joao ay maayos naman sila ni Sue at masaya siya sa relasyon ng dalawa.
Sa ngayon ay wala namang girlfriend si Joao pero lumalabas siya. Career daw ang kanyang prayoridad.
Isa si Joao sa mga Vibe jocks ng Vibe na mapapanood sa TV5 sa darating na August 9 at eere araw-araw. Kasama ni Joao bilang mga Vibe jocks sina Ryle Santiago, Paulo Angeles, Queenay Mercado, Anna Ramsey, Maxie Anderson, Kych Minemoto, Dylan Menor at Elijah Canlas.
Masayang-masaya si Joao dahil handpicked sila sa show kung saan isang malaking hamon para sa kanya na pagbutihan ang hosting, lalo’t isa itong bagong adventure para sa kanya.
NAGING emosyonal at hindi maiwasang mapaiyak ng Revival King na si Jojo Mendrez nang tanungin namin siya sa kanyang press conference kamakailan kung ano ang mga aral na natutunan niya sa mga pinagdaanan niya sa kanyang buhay.
Unang sinagot sa amin ng Revival King na natutunan niya na huwag masyadong magtiwala sa ibang tao pero ang aral na tumimo sa puso niya ay huwag mapagod mangarap at magsikap.
Umiiyak na binalikan ni Jojo na nagkaroon siya ng show noon sa isang kilalang disco bar sa Quezon City, siniguro sa kanya ng dati niyang manager na maraming tao ang manonood pero tatlong tao lang ang pumunta, kasama ang pinakamamahal na ina.
Puno ng panlulumo at lungkot ang puso niya pero hindi niya ito ipinakita sa kanyang ina at ipinagpatuloy lang ang performance.
Ngayon na tinagurian na siyang Revival King kung saan milyun-milyon lagi ang views ng bawat kanta na nire-revive o kinakanta niya, dito niya napatunayan na walang imposible sa pangarap basta patuloy ka lang magsikap at mahalin ang talento na ipinagkaloob sa iyo ng nasa Itaas.
Sa ngayon ay nasa ilalim na ng Artist Circle sa pangunguna ni Sir Rams David, siniguro naman ni Jojo na wala siyang sama ng loob sa dating manager at naniniwala siya na darating din ang panahon na magkikita at personal silang magkakausap.
Iniurong na rin niya ang demanda laban kay Mark Herras at patuloy ang pamimigay ng mga biyaya kung saan marami siyang natutulungang mga tao.
Kilala naman na malambot talaga ang puso ni Jojo at ang gusto lang niya ay makatulong sa mga nangangailangan.
Ngayon pa lang ay inaabangan na ang revival niya ng kantang I Love You Babe mula sa kantang I Love You Boy na pinasikat ni Timmy Cruz. Bukod dito ay inihahanda na rin ang Christmas songs ni Jojo na ang magko-compose ay si Jonathan Manalo.
Comments