Lahat dapat maging responsable para sa malinis at maayos na halalan
@Editorial | May 4, 2022
Nagsimula na kahapon ang final testing at sealing ng mga vote counting machine (VCM) sa buong bansa.
Ang hakbang na ito ng Commission on Elections (Comelec) ay para tiyaking maging transparent ang halalan sa Mayo 9.
Kaugnay nito, hinimok ng komisyon ang partisipasyon ng publiko sa final testing at sealing ng mga VCM. Hinimok din ang lahat ng mga political parties na dumalo sa mga final testing at sealing ng mga VCM hanggang sa Mayo 7.
Ang naturang test ay para na rin masiguro na handa na ang mga makina sa halalan.
Bilang mamamayan, responsibilidad nating makilahok sa mga paghahanda na ginagawa bago ang halalan.
Sa pamamagitan nito ay maiiwasan ang duda at magiging mas maayos ang paglulunsad ng kabuuang proseso ng eleksyon.
Inaasahang magiging mas bantay-sarado ang botohan ngayon dahil sa mainit na tunggalian. Hirit pa ng ibang supporters, walang matutulog hanggang sa matapos ang bilangan.
Sadyang ganito kahalaga ng halalan, dito nakasalalay ang kinabukasan ng bayan. Ang mga susunod na opisyal ang ating pag-asa para tuluyang makabangon sa pandemya at iba pang krisis na ating kinahaharap.
Kaya wala tayong ibang hangad kundi ang magkaroon ng mga lider na may kakayahan at talino.
Siyempre, hindi naman puwedeng sa pagboto lang matapos ang ating papel sa halalan. Tayong mamamayan ang magiging lakas ng mga iboboto nating opisyal. Hindi kakayanin ng gobyerno na mag-isang buhatin ang bayan, kailangan ng tulong ng bawat isa.
Muli, ipagpatuloy lang ang pakikiisa sa kabuuang proseso ng halalan, kung may makitang iregularidad, agad na ipagbigay-alam sa kinauukulan at hindi sa social media, plis lang.



Comments