Laguna FC, bida, pinadapa ang Mendiola FC sa PFL
ni Anthony E. Servinio - @Sports | August 10, 2022

Sumama sa parada ng mga nanalo ang Stallion Laguna FC at pinadapa ang Mendiola FC 1991, 2-0, sa pagtatapos ng unang linggo ng 2022-2023 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways Lunes ng gabi sa PFF National Training Center sa Carmona, Cavite. Sinamahan na ng Stallion ang defending champion United City FC at Kaya FC Iloilo sa maagang liderato ng pinakaunang ligang propesyunal ng Football sa bansa.
Nagising ang Stallion sa second half matapos ang malamyang first half na nagtapos na walang goal. Pinasigla ng mga reserba ang laban at gumana ang mga sumalang.
Tumanggap ng magandang pasa si Kainoa Bailey mula sa bagong pasok na si Abou Sy upang malikha ang unang goal sa ika-48 minuto. Nanigurado ang Stallion at inulo papasok ng isa pang reserba Rafa Nogueda ang bola buhat sa eksaktong corner kick sa ika-87 minuto.
Pormal na magbubukas ang PFL sa Linggo tampok ang unang sabak ng Dynamic Herb Cebu FC kontra sa Kaya FC Iloilo sa 7 p.m. Bago noon, magtutuos muna ang United City FC at Mendiola FC 1991 sa 4 p.m. Samantala, nanatiling nasa ika-53 puwesto ang Philippine Women’s Football National Team sa pinakahuling ulat ng FIFA World Ranking.
Kahit hindi gumalaw, ito pa rin ang pinakamataas na kanilang naabot sa kasaysayan.
Dahil dito, determinado ang Philippine Football Federation (PFF) na pataasin ang antas ng bansa patungo sa opisyal na bunutan ngayong Oktubre para sa 2023 FIFA Women’s World Cup.
Mga laro sa Linggo – Rizal Memorial Stadium 4:00 PM Mendiola FC 1991 vs. United City FC
7:00 PM Kaya FC Iloilo vs. Dynamic Herb Cebu FC





Comments