Lady Tams, nakaunang panalo kontra Maroons
- BULGAR
- Feb 27, 2023
- 2 min read
ni Gerard Arce @Sports | February 27, 2023

Tila parang nagawang magkampeon ng Far Eastern University Lady Tamaraws sa kaligayahang nadarama ng maibigay ng grupo ni playmaker Christine Ubaldo ang unang panalo para kay coach Tina Salak para sahurin ang University of the Philippines (UP) Lady Maroons sa bisa ng four-set takedown 25-16, 23-25, 25-17, 26-24, sa unang laro ng women’s volleyball tournament sa ikalawang araw ng opening weekend ng 85th University Athletic Association of the Philippines (UAAP) sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Namahagi ng mahusay na 16 na excellent sets ang sophomore setter na nag-ambag din ng tatlong atake at dalawang blocks upang makuha ang pambuwenamanong panalo ng koponan na umaasang mahihigitan ang masaklap na 1-13 rekord noong nagdaang 84th season noong isang taon.
“Sobrang saya namin sa dugout, tapos sinasabi namin na mananalo kami, kaya sobrang happy kasi nagawa namin,” pahayag ng 5-foot-6 setter. “Sobrang happy sa akin kase ‘di lang isang tao gumawa para sa amin, kaya sabi namin kanina para makakanta tayo ng sabay-sabay ng school hymn pagtrabahuhan natin.”
Nagbida sa hampasan para sa Morayta-based lady squad si Jovelyn Fernandez na kumana ng game-high 18 puntos mula sa 17 atake na sinegundahan ng kontribusyon ni Chennie Tagaod sa 13pts, galing lahat sa atake at Alyzza Devosora na may 12pts, kasama ang 12 digs at apat receptions.
Apat na manlalaro naman ang tumapos ng doble-pigura para sa Lady Maroons na nabigong ibigay ang unang panalo sa nagbabalik collegiate league na si coach Shaq Delos Santos, matapos pangunahan ni Alyssa Bertolano na tumapos ng triple-double sa 14 puntos mula sa 11 atake, kabilang ang 14 digs at 11 receptions, habang nag-ambag rin ng double-double si Jewel Encarnacion sa 12pts (10 atake) at 12 receptions.








Comments