top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Lady Generals, kampeon sa Leg 3 series ng WNBL 3x3

BULGAR
Apr 4, 2022
1 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 4, 2022




May mga bagong reyna ang Women’s National Basketball League (WNBL) 3x3 sa katauhan ng Taguig Lady Generals matapos magtagumpay sila sa Leg Three ng serye noong Sabado sa Red Arc Gym ng Balagtas, Bulacan. Inagaw ng Lady Generals ang korona sa paboritong Uratex Dream, 13-7, para sa hindi makakalimutang unang sabak sa torneo.

Nagtulungan ang lahat para tumalon ang Taguig sa maagang 6-1 lamang at mula roon ay hindi nakabangon ang Dream. Ginamit ni Snow Penaranda ang kanyang lakas na sinamahan ng shooting sa labas ni April Siat para sa kanilang pinakamalaking agwat, 13-4.

Ipinatikim din ng Lady Generals ang pinakaunang talo sa Dream at winakasan ang kanilang 17 sunod-sunod na tagumpay buhat noong nagsimula ang torneo noong Disyembre. Napili si Penaranda bilang Most Valuable Player at ibinahagi niya ito sa mga kakamping sina Siat, Sthefanie Ventura at Mary Joy Galicia kasama ang gantimpalang P15,000.

Sa semifinals, pinauwi ng Taguig ang pumangalawa sa Leg Two noong Pebrero na Angelis Resort, 14-11. Nakapasok sa finals ang Dream matapos talunin ang Uratex Tibay, 21-11, sa pinakaunang tapatan ng mga sister team.

Kahit mga baguhan sa 3x3, ginamit ng Lady Generals ang kanilang lamang sa tangkad at isa-isang pinabagsak ang Limitless (21-9), Panukalan Quezon (16-8), Fourbees Hoopers (21-9) at Uratex Tibay (15-13) sa Grupo B. Sa Grupo A, winalis ng Uratex Dream ang Boosted Pangasinan (21-3), Bicygnal (21-11), Amazing (22-9) at Angelis Resort (21-17).


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page