Lady Falcons 3rd seed sa Final 4, Romero, bumida vs. Tamaraws
- BULGAR
- May 1, 2023
- 1 min read
ni Gerard Arce @Sports | May 1, 2023

Nagpamalas ng mahusay na pagmamando sa loob ng court si Adamson University Lady Falcons ace playmaker at team captain Louie Romero upang biyayaan ng maayos na opensa ang koponan para pormal na selyuhan ang third seed sa Final Four laban sa masisipag na Far Eastern University Lady Tamaraws 25-22, 26-28, 25-15, 25-17 kahapon sa huling araw ng eliminasyon ng 85th UAAP women’s volleyball tournament sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Namahagi ang 5-foot-4 setter mula Rodriguez, Rizal ng kabuuang 21 excellent sets, kasama ang tatlong puntos upang padalhan ng magagandang pasa sina Kate Santiago na tumapos ng 21pts mula sa 20 killsat isang blocks at rookie Trisha Gayle Tubu ng 18pts sa 15 atake at tatlong blocks, habang umalalay rin sa puntos sina midlle blocker Lorence Toring sa 13 pts at Lucille Almonte na kumarga muli ng triple-double sa 10pts, 22 excellent receptions at 16 excellent digs.
“Siguro nu'ng second [set] medyo nag-relax kami nawalan kami ng receive at hindi ko na-activate yung middle ko,” pahayag ni Romero sa pagkatalo sa second set, subalit nagsimulang magtrabaho pagdating ng third at fourth set. “Sabi ko sa sarili ko na kailangan kong mag-step up sa team, na kailangan kong gawin yung trabaho ko as a leader para sumunod yung mga kakampi ko,” dagdag ng graduating setter na makakatapat ang second seed na defending champions National University Lady Bulldogs sa Miyerkules sa pagsisimula ng Final Four. “Magtraining kami nu'ng maayos, lalo na execution at pag-aralan yung susunod na makakalaban.”
Naging matagumpay naman ang kampanya ng Lady Tamaraws ngayong season ng magtapos sa 6-8 rekord kasunod ng 1-13 kartada noong 84th season.








Comments