Lady Bulldogs pasok na sa Final 4, Tigresses binardagul
- BULGAR
- Apr 27, 2023
- 2 min read
ni Gerard Arce @Sports | April 27, 2023

Nakuha ng nagtatanggol na kampeong NU Lady Bulldogs ang huling twice-to-beat advantage papasok ng Final 4 matapos bardagulin ang UST Golden Tigresses sa pamamagitan ng 4th set panalo sa 25-16, 25-21, 17-25, 25-14, kahapon sa huling linggo ng eliminasyon ng 85th UAAP women’s volleyball tournament sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Maituturing na matamis na pagbawi ang ikinagat ni power-hitter Alyssa Solomon nang pangunahan ang Lady Bulldogs na maiselyo ang bentahe kasama ang league-leading DLSU Lady Spikers (12-1) sa may hawak ng naturang oportunidad.
Bumandera ang 6-foot-1 opposite hitter ng team high 17 puntos mula sa 15 atake at dalawang blocks upang maipaghiganti ng Lady Bulldogs ang unang paghaharap noong first round 5th set pagkatalo habang nasigurong may bentahe ito sa makakatapat sa semifinals kaantabay ang 10-3 kartada.
“Siguro yung round one, masyado lang kaming kampante sa performance namin at tingin ko mas gusto nilang manalo, pero this time mas gusto naming manalo at 'di kami pumayag na matalo ng ganun-ganun lang,” pahayag ni Solomon na nanguna sa kabuuang atake ng Lady Bulldogs mula sa 51-of-165 kills, katulong si reigning Rookie/MVP Mhicaela “Bella” Belen na tumapos ng 16pts mula sa 13 atake, 2 blocks at isang ace, kasama ang 12 receptions, gayundin si juniors Finals MVP at rookie na si Vange Alinsug na may 10 puntos.
Naging maganda at maayos ang panimulang set ng Jhocson-based lady squad ng makalamang ito sa blockings at service aces, habang sumandal sa doble pigurang errors ang Golden Tigresses upang makabwenamano ng panalo.
Pinangunahan naman ni Solomon ang atake katulong sina Belen at Alinsug sa second set upang irehistro ang 17 atake sa second set. Subalit hindi pumayag ang Espana-based volleybelles na mawalis ng katunggali ng humirit ito ng 17-7 bentahe sa thirs set patungo sa 25-17 panalo matapos mag-init ang laro na siniklaban ng magandang kontribusyon ni Kecelyn Galdones.








Comments