Lady bulldogs, ligtas sa lapa ng Tigresses
- BULGAR
- Oct 10, 2022
- 2 min read
ni VA - @Sports | October 10, 2022

Nakaligtas at nalusutan ng National University ang matinding hamon ng University of Santo Tomas para magapi ang huli, 78-75 kahapon ng umaga sa UAAP Season 85 women's basketball tournament sa Araneta Coliseum.
Nahirapan ng husto ang Lady Bulldogs partikular sa buong 4th quarter sa pagpigil sa tangkang upset ng Tigresses para nanatiling walang talo at maiposte ang rekord na ika-99 na sunod na panalo na nagsimula pa noong 2014.
May pagkakataon sana ang Tigresses na putulin ang winning run ng Lady Bulldogs nang makadikit sila sa Lady Bulldogs papalapit sa pagtatapos ng laro makaraang makapagbuslo nina Tacky Tacatac at Nikki Villasin ng mga clutch 3-pointers.
Ngunit siniguro nina Camille Clarin at Angel Surada na mapanatili ang kanilang agwat sa UST para maangkin ang panalo, ang kanilang ikatlong sunod na nagbaba naman sa Tigresses sa markang 2-1, panalo-talo. "I thought UST came in with a lot of fight today. They gave us a hard time today, but again, give credit to our girls, our ladies for staying in the game, staying in the system and eventually getting the win," pahayag ni NU head coach Aris Dimaunahan.
Nanguna sa panalo si Karl Ann Pingol na may 14 puntos at 6 na rebounds, kasunod si Clarin na nay 13 puntos at 6 na assists.
Nakabawi sa kanilang malamyang panimula ang UST at tinapyas ang 17-puntos na lamang ng NU sa anim na puntos,67-73 may nalalabi pang 43.4 segundo sa fourth period kasunod ng ipinasol ni Eka Soriano na tatlong freethrows.
Mula roon, nakadalawang ulit na halos hingahan ng UST ang NU sa batok, pinakahuli sa iskor na 75-77, may 20 segundo pang natitira sa oras.








Comments